China kinondena ng mga kongresista sa ‘wiretapping’ incident

Rep. Faustino “Inno” Dy V

Ni NOEL ABUEL

Mariing kinondena ng liderato ng Kamara ang napaulat na wiretapping ng pag-uusap ng mga opisyal ng China at Pilipinas hinggil sa “new model agreement” sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea bilang desperadong pagtatangka na guluhin ang naturang usapin.

Sa isang press conference, binigyan-diin ni Deputy Majority Leader at Tingog party-list Rep. Jude Acidre ang pangangailangan para sa masusing imbestigasyon sa pinagmulan at motibo sa likod ng umano’y insidente ng wiretapping na naunang ibinulgar ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro.

“Bakit lumalabas ang mga ganitong misinformation or mga wiretapping? Nagpapakita lang na medyo act of desperation na po ito, ano, para to muddle the entire issue,” ayon kay Acidre.

Ganito rin ang pahayag ni Deputy Majority Leader at Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy V na tinawag ang umano’y insidente ng wiretapping bilang isang paglabag sa tiwala at isang paglabag sa mga batas ng Pilipinas.

Binanggit ni Dy ang damdamin ni Teodoro, at idiniin na sinuman ang responsable sa pag-wiretap o pag-record ng pag-uusap ay dapat harapin ang mga kahihinatnan para sa kanilang mga aksyon.

“Kung sinuman po ang responsable sa
pag-wiretap or sa pag-record po ng conversation na ito kung nangyari man po, they should be expelled or deported from our country or they should answer to our laws dahil bawal po iyong ginawa nila,” sabi ni Dy.

Hinggil sa mga susunod na hakbang, sinabi ni Dy na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang dapat na mag-imbestiga dito.

“Again, I will leave it to our DFA on how to proceed ito pong investigation na ito,” aniya.

Sinegundahan naman ni Assistant Majority Leader at Manila 1st District Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio ang paghayag ng kapwa nito kongresista sa pagkondena sa umano’y insidente ng wiretapping, at sinabi na mahalaga ang pagpapanagot sa mga salarin anuman ang kanilang nasyonalidad.

“Ako naman ay gaya ng mga kasama ko, I support Sec. Gibo Teodoro doon
sa pananaw n’ya na mali ‘yung ginawa na wiretapping,” sabi ni Dionisio.

“We really should hold those people who did that accountable. Hindi na pupwede na porke na galing sila sa mas malalaking bansa na tatapakan nalang nila ‘yung mga batas natin. They should be held accountable,” dagdag pa nito.

Leave a comment