
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ng ilang kongresista na tanging si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang magsasabing dapat nang buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Isabela Rep. Faustino “Inno” Dy V, Manila Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio Jr., at Tingog party-list Rep. Jude Acidre na ang pagbuwag sa NTF-ELCAC ay prerogative ng Pangulo matapos ang desisyon ng Korte Suprema na ang red-tagging ay banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng mga tao.
“I trust the decision of the President, also the Executive, in regard to the abolishment or not of the NTF-ELCAC. We leave it up to the Executive to decide kung papano po or how do they go about with proceeding with the NTF-ELCAC program,” sabi ni Dy.
Para naman kay Dionisio, sa makahulugang desisyon ng SC na nagdedeklarang ang red-tagging bilang banta, hinimok nito ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng NTF-ELCAC na gawin ang kanilang trabaho nang hindi tinatapakan ang karapatan ng mga tao.
“Of course, it’s the President’s decision kung anong magiging hakbang niya tungo dito. In doing so, sa lahat ng ginagawa ng every agency, ay dapat lang naman maalala na wala tayong dapat matapakan na karapatan ng bawat mamamayang Pilipino in doing the job na kailangang gawin ng NTF-ELCAC,” ayon kay Dionisio.
Sinabi naman ni Acidre na maaaring tinitimbang ng Pangulo ang kanyang mga aksyon sa mga tawag dahil ang usapin ay hindi kasing simple ng sinasabi nito.
“Doon naman sa pagbuwag ng NTF-ELCAC, I think the President is proceeding with more caution, the way I read it, Malacañang is proceeding with caution conscientiously with how to deal with the insurgency problem,” ani Acidre.
“They have not definitely acted and given that this a policy decision of the Executive. Ang Congress naman will surely support whatever will benefit, whatever would produce the results na kailangan para mas maging manatili iyong pang matagalang pangkapayapaan at matapos na ang insurgency sa ating bansa,” dagdag pa nito.
Sinabi ng tatlong mambabatas na ang NTF-ELCAC ay isang ahensya ng gobyerno na nakikitungo sa mga rebelde at mga lokal na grupo ng terorista, at nagsasagawa ng mga proyekto sa mga lalawigan upang pigilan ang mga tao na suportahan ang mga rebeldeng komunista.
Sinabi ni Dy na sa kanyang lalawigan ng Isabela, ang NTF-ELCAC ay nakatulong sa maraming liblib na barangay.
“Sa amin po nagkaroon kami ng problema sa ganito, Isabela marami po kaming armed conflict dati. Definitely nabawasan na po ito, kumonti na, but it still exists in certain parts of the country. So iyon po completely ang gusto nating mawala and there have been successes with the NTF-ELCAC,” pagmamalaki pa ni Dy.
