
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Chiz Escudero na ang ginawang anunsyo ng Department of Justice (DOJ) tungkol sa paghahanda nito para sa isang legal briefing para kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa “possible legal options” sakaling ang International Criminal Court (ICC) ay magpasya na arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa senador, magdudulot lamang ito ng magpapalala sa tensyon sa pagitan ng mga Marcos at mga Duterte.
“What I don’t understand is why a presscon had to be called to announce something that is in the normal course of things or as it should be. Providing legal briefings to the President is standard procedure,” pahayag ni Escudero.
Una nito, inanunsyo ng DOJ na naghahanda na ito ng isang comprehensive briefer upang saklawin ang iba’t ibang mga senaryo na may kaugnayan sa warrant of arrest ng ICC, kabilang ang posibilidad ng muling pagsali sa ICC.
Gayunpaman, nananatiling mataas ang tensyon sa pagitan ng kampo ni Pangulong Marcos at dating Pangulong Duterte, at naniniwala si Escudero na ang mga hindi kinakailangang pampublikong anunsyo ay makakasakit lamang sa nagpapatuloy na lamat sa pagitan ng dalawang kampo.
“Surely, such actions are not helping cool down or mend tensions between the Dutertes and the Marcoses,” giit ni Escudero.
Hinimok ng senador ang executive branch na maging mas maingat at linawin ang katwiran sa likod ng press conference at tiyakin na ang mga desisyon ay ginawa nang walang political agenda.
