
Ni NOEL ABUEL
Umapela si Senador Francis Tol” Tolentino sa Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na gawing heat-resistant ang mga ipatatayong silid-aralan bilang isa sa mga solusyon sa epekto ng mainit na panahon.
Ito ay kasunod ng pahayag ni DepEd spokesman Francis Bringas kung saan kinumpirma ng opisyal na ibabalik na ang lumang school calendar sa Hunyo 2026 bunsod na rin ng matinding init ng panahon.
Ayon kay Tolentino, dapat magsagawa ng konsultasyon ang DPWH at DepEd hinggil sa pagpapatayo ng mga silid-aralan na heat-resistant at hindi lang basta typhoon-resistant.
“‘Yung sina-suggest ko, itong El Niño hindi natin alam kung kelan uulit o tatama, kung gaano katagal o katindi, so siguro sa mga planning sessions ninyo with DPWH, in terms of constructing classrooms, dapat pag-usapan na rin hindi lang ‘yung mga typhoon-resistant buildings, ‘yun may proper ventilation, para kung sakaling tumama ulit ‘yung ganitong weather phenomenon eh may hangin ang mga classrooms, lalo na ‘yung mga nasa probinsya,” ani Tolentino.
Samantala, nanawagan din ang senador sa mga school authorities na huwag masamain kung sakaling liliban sa klase ang mga estudyante dahil sa matinding init ng panahon.
Dinagdag ni Bringas na hindi magtatakda ng make up classes ang mga eskuwelahan at sa halip ay bibigyan na lamang ng karagdagang aralin ang mga estudyante upang makabawi sa kanilang mga absences.
