
Ni NOEL ABUEL
Ikinagalak ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino ang desisyon ng Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng price control sa gitna ng dinaranas na El Niño phenomenon at inflation sa bansa.
Sinabi ni DTI Asec. Amanda Marie Nograles na may ilang manufacturers na ang pumayag na magpatupad ng voluntary price freeze matapos pakinggan ang suhestiyon ni Tolentino.
Idinagdag pa ng opisyal na tatlong manufacturers na ang nakiisa sa price freeze at sa susunod na lingo ay maglalabas ang DTI ng listahan ng mga produkto na sakop ng price freeze.
“Ilang linggo na lang ang El Niño, kung sakali baka makahabol pa. Kung maaari copy furnished agad ang lahat ng LGUs at regional offices para mas mabilis ang monitoring at implementation,” sabi ni Tolentino.
Magugunitang ilang beses na nanawagan ang senador para sa agarang pagpapatupad ng price freeze upang mabawasan ang hirap ng ating mga kababayan na nakakaranas ng matinding init ng panahon.
