
Ni NOEL ABUEL
Nakatakdang magpatawag si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng high-level meeting para talakayin ang paghahanda at pag-iwas sa inaasahang pagbaha sa Metro Manila at iba pang lugar na madaling bahain sa bansa na epekto ng La Niña.
Hiniling ni Romualdez sa mga kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), bilang gayundin ang tagapangulo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na dumalo sa nasabing kumperensya.
“Seryoso nating pinaghahandaan ang pagdating ng La Niña bago pa man ito maka-apekto sa ating bansa. Itinaas na ng PAGASA ang alarma kung kaya mahalaga ang ating pagkakaisa at agarang aksyon upang maprotektahan ang ating mga komunidad sa posibleng pagbaha,” pahayag ni Romualdez.
“Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DPWH, DENR, DILG, at MMDA, at siyempre ng ating mga local government officials, atin pong pinalalakas ang ating mga hakbang sa paghahanda at pag-iwas sa mga sakuna upang matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino,” dagdag nito.
Aniya, ang food security, sapat na water supply, energy availability, public health, public safety, mobility, at interconnectivity, bibigyan ng prayoridad sa paghahanda.
“Kailangang mahigpit ang ugnayan ng national government at mga local government unit para maipatupad ang mga aksyon sa malawakang paghahanda na gagawin natin,” ayon pa dito.
“Ang utos sa atin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay gawin ang lahat ng nararapat para tiyakin na ligtas sa kapahamakan ang mga komunidad at ang bawat pamilyang Pilipino,” giit pa ni Romualdez.
Hinimok din nito ang mga komunidad na makiisa sa national government at local government units sa paghahanda sa posibleng pagbaha.
“Hihingin din natin ang pakikipagtulungan ang mga komunidad at lahat ng mamamayan sa paghahandang gagawin natin. Higit kailanman, ngayon natin kailangan ang pagkakaisa para maiwasan ang sakuna at masamang epekto na dala ng La Niña,” ayon pa dito.
“Gagawin natin ang lahat para maging ligtas at malayo sa kapahamakan ang lahat ng ating mga kababayan,” sabi nito.
