Mayon volcano nagtala ng 4 na paglindol

Ni MJ SULLIVAN

Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng apat na volcanic earthquakes at tatlong rock events sa paligid ng bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.

Sa datos ng Phivolcs, maliban sa pagyanig ay nakapagtala rin ng 586 tonelada ng sulfur dioxide flux kada araw mula Mayo 8.

May nakita ring mga katamtamang pagsingaw na umabot sa 100 metro ang taas na napadpad sa kanlurang bahagi ng bulkan.

Ayon pa sa Phivolcs, nakita rin ang panandaliang pamamaga ng bulkan kung kaya’t patuloy na naglalabas ng babala ang ahensya sa posibleng aktibidad ng Mayon volcano.

Mahigpit pa rin na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6 km radius permanent danger zone bunsod ng inaasahang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions gayundin ang pagguho ng bato mula sa tuktok ng bulkan.

Gayundin, posible ang pagkakaroon ng pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan sa nasabing lugar.

Nananatili naman sa alert level 1 ang antas ng alerto sa Mayon volcano.

Leave a comment