165 Chinese nationals ipinatapon palabas ng bansa

Ni NERIO AGUAS

Naipatapon na palabas ng bansa ang 165 Chinese nationals na kabilang sa nahuli sa isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban, Tarlac.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tangsingco, ang nasabing mga dayuhan ay kasama sa nahuli ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong buwan ng Marso sa naturang lalawigan.

Sa ulat ng PAOCC, ang mga nadakip na indibiduwal ay sangkot sa illegal scamming activities.

Lumabag din ang mga ito Philippine Immigration Law sa pamamagitan ng hindi pagpapakita ng kanilang travel documents, pagiging overstaying, at pagiging undesirable aliens.

Nabatid na sa inisyal na ulat, 167 dayuhan ang dapat na ipapa-deport subalit dalawa sa mga ito ay natuklasang may kinakaharap na kaukulang kaso sa korte.

Isinakay sa Philippine Airlines patungong Pudong, China mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Bilang resulta ng deportasyon, lahat ng 165 na dayuhan ay isinama na sa blacklist order ng BI, na epektibong hindi na makakapasok ang mga ito sa Pilipinas.

Leave a comment