
NI MJ SULLIVAN
Niyanig ng magkakasunod na paglindol ang lalawigan ng Davao de Oro, ngayong araw ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, dakong alas-2:26 ng madaling-araw nang tumama ang magnitude 4.8 na lindol na natukoy sa layong 002 km timog silangan ng New Bataan, Davao de Oro at may lalim na 010 km at tectonic ang origin.
Dahil sa malakas na paglindol ay naramdaman ang intensity IV sa New Bataan at Monkayo, Davao de Oro at intensity III sa Maco, Davao de Oro habang intensity I naman sa lungsod ng Bislig, Surigao del Sur.
Sa instrumental intensity, naramdaman ang intensity II sa Nabunturan, Davao de Oro.
Samantala, ilang mahihinang aftershocks na umabot sa mahigit sa 10 ang naitala na senyales na inaasahang magpapatuloy ang aftershocks.
Ganap namang alas-3:13 ng madaling-araw nang yanigin din ng paglindol ang Eastern Samar.
Magnitude 3.7 ang naitala na ang sentro ay nasa 030 km timog kanluran ng Balangiga, Eastern Samar at may lalim na 004 km at tectonic ang origin.
Naramdaman ang intensity II sa Dulag, Mayorga & MacArthur, Leyte; Lawaan & Balangiga, Eastern Samar at intensity I sa Abuyog, Leyte.
Habang sa iInstrumental intensities ay naitala ang intensity I sa Abuyog at Dulag, Leyte; Hinunangan, Southern Leyte.
Ayon sa Phivolcs, ang nasabing paglindol ay aftershock ng magnitude 5.8 na tumama noong nakalipas na Mayo 3 sa Leyte.
