
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ng mga mambabatas sa Commission on Elections (Comelec) na bantayan at suriin nang lubos ang mga lokal na kandidato sa 2025 midterm elections matapos na mahalal si Alice Guo, na kinukuwestyon ang kanyang nasyonalidad bilang alkalde ng Bamban, Tarlac sa halalan ng 2022.
Sa idinaos na pulong balitaan sa Kamara, nagpahayag ng suporta sina Asst. Majority leaders at AKO Bicol party-list Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon at La Union Rep. Francisco Pablo Ortega, na imbestigahan si Guo, na kasalukuyang iniimbestigaha. ng Senado, sa umano’y pagtulong sa iligal na operasyon ng Chinese gambling site sa dulong bayan sa Tarlac.
Ang usapin, ayon kay Bongalon, ay hinggil sa pagpapatupad ng mga alituntunin ng Comelec, kabilang na ang mga patakarang ipinaiiral sa panahon ng halalan.
“Because once we filed our certificate of candidacy, we should put with all honesty, all the legitimate information and ito po ay nino-notaryo, di ba? So, therefore dapat totoo ang mga detalye at tama ang nilalagay nito,” aniya.
Idinagdag nito na magsisilbi itong babala sa halalan sa 2025.
“Lookout ito ng ating Commission on Elections. Dapat i-screen nila lahat ng mga kakandidato na ngayong darating na midterm election. Dapat sila po ay nagsasabi ng totoo sapagkat kung doon pa lamang po sa komento na kanila pong ipa file, which is the certificate of candidacy, ay hindi na po sila magiging totoo, how much more pa kung mabigyan ito ng pagkakataon na sila ay manilbihan sa atin pong mga lugar,” aniya.
Ayon pa kay Bongalon, ang kaso ni Guo ay may epekto sa pambansang seguridad dahil sa mga umano’y Intsik na nais na makapasok sa istraktura ng pamamahala sa Pilipinas.
Kinuwestyon din nito kung papaano nakakuha ng birth certificate si Guo, 17 taon makalipas na siya ay isilang.
“So late registration po ‘yung nangyari. And this concerns about the citizenship of this particular individual, lalung-lalo na we are talking about a public official, and under our Constitution, those who want to serve our country and to join the electoral process as candidates for a local position, they should be Filipino citizens. Nakakaalarma po ito sapagkat kung dito nga po may proseso ng naturalization sa Kongreso. Binibigyan po ng House of Representatives or the Congress itself ‘yung mga nag-a-apply na gusto pong maging Filipino citizens,” aniya.
Sinusuportahan din ni Bongalon ang paglikha ng isang inter-agency body na naglalayong suriin ang mga mag-aaral na interesadong pumasok sa Pilipinas at mag-aral dito.
“They should undergo a very strict screening process. This is a welcome development because what is at stake here is our national security, and one of the non-negotiables in our country is our national security,” ayon pa sa kanya.
Sinabi naman ni Ortega na bahagi ng tungkulin ng inter-agency body na usisain ang mga nauuso at gumawa ng pambansa at pandaigdigang pagpaplano.
“Bakit may influx ng ganitong number of people dito sa lugar na ito, so dapat part po talaga ng mandate nila ‘yun. Kasi may may global trends po ‘yung ganyan,” aniya.
