PCG pinuri ng kongresista sa pagharang sa illegal reclamation ng China sa Escoda Shoal

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ng isang kongresista ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mabilis na reaksyon nito sa pagharang sa iligal na reclamation ng China sa ilang bahagi ng Escoda Shoal.

Sinabi ni 1-RIDER party list Rep. Rodge Gutierrez na mahalagang napigilan ng PCG ang ginagawang reclamation ng China sa Escoda Shoal na sakop ng Pilipinas.

“We’d like to commend the PCG at naagapan po ito. Nakita po nila, and now that aware po ‘yong government natin, we’re confident that the executive will take the proper measures to make sure na hindi mangyayari ulit ‘yong nangyari sa ating mga ibang shoals,” sa naging pahayag ni Gutierrez sa pulong balitaan sa Kamara.

Aniya, batid ng lahat na sa China nanggagaling ang mga pekeng produkto sa merkado sa bansa at nalalapat din ito sa mga isla na paksa ng kanilang illegal reclamation.

“Kasi ‘yon seems to be the technique ng China – ang galing nilang gumawa ng peke, kahit pekeng island kaya po nila,” ani Gutierrez.

“Kailangan natin maagapan talaga, nasa teritoryo po natin ito eh. At alam naman nating mga Pilipino, ayaw natin ng peke, hindi po tayo papayag diyan. So again we commend and we support fully the PCG,” dagdag nito.

Maliban sa PCG, pinuri rin ng mambabatas ang Philippine Navy, at Armed Forces of the Philippines (AFP).

“I have no doubts – I don’t have the authority – but I’m sure I speak for everyone here, we are in full support to our PCG, AFP, Navy, kung ano man ‘yan,” aniya pa.

Binatikos din nito ang China sa napaulat nitong mobilisasyon para harangin ang Panatag Shoal laban sa Peace and Solidarity Regatta ng Atin Ito Coalition.

“It seems to be the counter-initiative ng China, blockading a shoal for, I think regatta. I’d assume this is a civilian operation. Fun boating lang naman po ito, within our waters. By what authority po would they be (doing this blockade?” tanong ni Gutierrez.

“Ito po ‘yong problema po natin sa China. They insist on having peaceful negotiations, they force us into bilateral agreements, pero resupply mission ayaw po nila. Food and water sa ating mga sundalo, ayaw po nila. ‘Pag simple traversing of our waters, ayaw po nila, which are again our waters in international standards, because of the arbitration ruling,” paliwanag pa nito.

Leave a comment