Benepisyo sa mga retired Olympians pasado na sa komite ng Kamara

Ni NOEL ABUEL

Inaprubahan na ng House Committee on Youth and Sports Development ang panukalang batas na naglalayong gawaran ng health care, retirement, death benefits at iba pang mga pribelehiyo ang mga retiradong Olympians na mga Pilipino.

Ang komite na pinamunuan ni Isabela Rep. Faustino Michael Carlos Dy III na tumalakay sa House Bill 3523, na iniakda ni committee vice-chairperson at Batangas Rep. Eric Buhain.

“The proposed law aims to rectify the situation by recognizing the retired Filipino Olympians’ exceptional service and providing essentials that benefit them. By caring, we honor their legacy and help them continue giving inspiration for future generations. In addition, we are ensuring their transition from the podium to a dignified and secure life,” ani Buhain.

Agad na isinumite ng lupon ang mga HBs (1935, 2778, 6746 at 4088) sa subcommittee on athletes’ welfare, upang matingnan ang implementasyon ng Republic Act 7875, o “National Health Insurance Act of 1995” at RA 10699, na kilala rin bilang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.”

Isinumite rin ng komite ang mga HBs 701 at 6747, na parehong naglalayon ng paghahangad ng ilang criteria, o minimum na rekisitos para sa coaching profession, sa subcommittee on sports upang mas lalo pa itong mapag-aralan.

Ipinaliwanag ni Dy na inihain nito ang HB 701 upang itatag ang minimum na mga kakayahan at paunlarin ang local athletes’ development para makamit ang pandaigdigang pamantayan, habang ang Pilipinas ay umaasa pa rin sa mga hindi kuwalipikadong volunteer coaches.

Binigyan-diin naman ni Committee vice-chairperson at Leyte Rep. Richard Gomez ang pangangailangan para sa pagtatatag ng talaan ng mga sertipikadong sports coaches at regulasyon sa nasabing propesyon.

Iminungkahi ni Gomez ang ilang amiyenda sa panukala, tulad ng bahagi na nagdedetalye sa mga sakop ng propesyon, mga kinakailangang lisensya, rekisitos sa kuwalipikasyon, certification at licensure issuance, mga dahilan sa pagpapawalang bisa o suspensyon, talaan ng mga certified coaches, practice prohibitions, at paglikha at ng kompensasyon para sa professional sports coaching board.

Ang panukala ay iniakda nina Dy at Parañaque City Rep. Gus Tambunting, ayon sa pagkakasunod.

Pinagtibay rin sa komite ang mga House Resolutions 1641, 1656, at 1678, na nagpapaabot ng pagbati kina Carlos Yulo, Nesthy Petecio, Aira Villegas at Alexandra Eala sa kanilang natatanging galing sa kani-kanilang indibiduwal na larangan sa palakasan.

Leave a comment