
Ni NOEL ABUEL
Pinabubusisi ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla ang plano at aksyon ng pamahalaan para tiyakin ang food security, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas.
Inihain ni Padilla ang Senate Resolution 1024, kung saan gagawin ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na kanyang pinamumunuan ang imbestigasyon, “in aid of legislation.”
“The rising costs of basic commodities like rice not only worsens the condition of our poor countrymen, but also push those who live on fixed incomes or earn low wages closer or below the poverty line,” ani Padilla sa sa kanyang resolusyon.
Ani Padilla, may karapatan ang taumbayan na malaman ang plano ng gobyerno para tiyakin ang food security dahil napakahalaga nito sa pampublikong kalusugan, pagbaba ng kahirapan, at “economic development and social stability.”
Dagdag nito, ang kanin ay “prominent staple food” sa mga tahanan hindi lang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa sa Asya. Sa kabila nito, ang Pilipinas ay ang pangalawang pinakamalaking rice importer sa mundo noong 2022.
Bagama’t nagpatupad ng price ceiling sa bigas ang administrasyong Marcos noong huling bahagi ng 2023, tumaas nang husto ang presyo ng bigas.
“The public has the right to know of the government’s plans and actions on matters that significantly impact our people’s well-being and quality of life,” ani Padilla.
