Vietnamese ‘doctor’ at 4 na iba pa naaresto ng BI

Ni NERIO AGUAS

Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang limang illegal aliens na umano’y sangkot sa abortion activities.

Ayon sa BI, nadakip sa kahabaan ng Macapagal Blvd. sa Pasay City ang isang Vietnamese national na nagpakilalang Doctor Sang o Trinh Dinh Sang, 29-anyos na nagtatrabaho sa isang wellness clinic sa nasabing lugar.

Nabatid na nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng BI-Intelligence Division sa tulong ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at ng Pasay City Philippine National Police base sa impormasyon na nakalap na nagsasagawa si Sang ng cosmetic enhancement gayundin ng abortion.

Kasama rin sa naaresto sa operasyon ang dalawa pang Vietnamese nationals na nakilalang sina Nguyen Duy Quynh, 67-anyos at Pham Thi Nhu Hieu, 28-anyos.

Dalawa ring Chinese nationals na nakilalang sina Xie Jun, 36-anyos at Zhai Jian Gang, 43-anyos ang kasama ring naaresto.

Ayon kay BI intelligence division Chief Fortunato Manahan Jr., nagpanggap ang mga operatiba bilang mga kliyente para sa cosmetic treatment, at nang makumpirma ang presensya ng mga ilegal na dayuhan, ipinatupad ang pag-aresto laban kay Sang at sa kanyang mga kasamahan.

Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na nakakaalarma ang ginagawa ng nasabing dayuhan dahil napaulat na nagsasagawa ito ng illegal abortion gayundin ang iba pang cosmetic procedures na hindi batid ng Department of Health (DOH).

“Their activities are dangerous and pose as a threat to public safety. We are thankful for the cooperation of our partners in government in this effort to locate and arrest these illegal aliens,” aniya.

Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mga nasabing mga dayuhan habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon sa mga ito palabas ng bansa.

Leave a comment