Absolute divorce pasado na sa Kamara

Ni NOEL ABUEL

Ipinasa na ng Kamara sa pamamagitan ng botohang viva voce ang House Bill 9349 na naglalayong ipatutupad ang absolute divorce bilang alternatibong paraan para mapawalang bisa ang wala nang pag-asang pagsasama at kasal ng isang mag-asawa.

Ang panukala na iniakda ni Albay Rep. Edcel Lagman, ay nagsasaad ng mga limitadong dahilan at well-defined judicial procedures para sa diborsyo na naglalayong iligtas ang mga kabataan sa sakit, stress at paghihirap dulot ng mga problema ng kanilang mga magulang, hindi pagkakasundo at pag-aaway, at gawaran ang mag-asawa ng pagkakataong magdiborsyo, at muling makapag-asawa kung mamarapatin, ng isang mas maayos na pag-aasawa.

Sa ilalim ng panukala, pahihintulutan ang mga may problemang mag-asawa na makapaghain ng ‘petition for absolute divorce’ sa mga sumusunod na kadahilanan:

1) legal separation under Article 55 of the Family Code of the Philippines, as modified; 2) annulment of marriage under Article 45 of the Family Code of the Philippines, as modified; 3) separation of the spouses in fact for at least five years at the time the petition for absolute divorce is filed, and reconciliation is highly improbable; 4) psychological incapacity as provided in Article 36 of the Family Code of the Philippines; 5) irreconcilable differences; at 6) domestic or marital abuse to include acts under Republic Act 9262, or the Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Inaprubahan din ng Kamara ang iba’t ibang panukala na nakatuon sa kapakanan ng mga senior citizens at mga taong may kapansanan (PWDs), upang tiyakin ang kanilang kabutihan, dignidad at inklusyon sa lipunan.

Ang HB 10188, o ang panukalang “Senior Citizens Protection Against Fraud Act,” na iniakda ni Muntinlupa City Rep. Jaime Fresnedi, ay naglalayong magtatag ng mga mekanismo para turuan at gabayan ang mga senior citizens, ng mga impormasyon hinggil sa iba’t ibang uri ng pandaraya at panloloko.

Inaatasan sa panukala ang Department of the Interior and Local Government (DILG), sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan, na turuan ang mga senior citizens, kabilang na ang kanilang mga pamilya at mga tagapag-alaga, sa pangkalahatang impormasyon sa mail, telemarketing at internet frauds, kabilang na ang mga impormasyon kung saan nila maaaring idulog ang reklamo at kung papaano nila maiiwasan ang ganitong mga kaso.

Samantala, pasado rin sa Kamara, sa ikalawang pagbasa ang HB 10312, na nagmamandato na ang diskuwentong 20% na pribilehiyo ay mananatili para sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) kahit pa ang mga produktong ibinebenta ay naka-promo.

Ang panukala ay pangunahing iniakda nina Albay Rep. Joey Salceda, Senior Citizens party list Rep. Rodolfo Ordanes at Agusan del Sur Rep. Alfelito Bascug.

Ang ilan pang panukala na pasado sa ikalawang pagbasa na may kaugnayan sa kapakanan ng mga senior citizens at PWDs ay ang mga HBs 10313, na magpapairal ng eGov Super App; at HB 10314, na magbibigay katuwiran sa mga benepisyo at mga pribilehiyo ng mga senior citizens at PWDs.

Leave a comment