American fugitive ng Interpol naaresto ng BI

Ni NERIO AGUAS

Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang American national na pinaghahanap ng International Police o Interpol at sa South Korea sa pagkakasangkot sa telecommunications fraud.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nasabing dayuhan na si Shin Seung Chul, 62-anyos, na nasabat noong nakalipas na Mayo 7 sa NAIA Terminal 1 bago pa makasakay sa Philippine Airlines flight patungong Narita.

Nabatid na inaresto si Shin matapos itong dumaan sa inspeksyon ni BI officer Andrew Joseph Gatchalian sa BI departure counter kung saan lumabas ang pangalan nito na ay na nasa hit list sa Interpol system ng BI na wanted fugitive sa Korea.

Kalaunan ay itinurn-over si Shin sa mga tauhan ng border control and intelligence unit (BCIU) ng BI-NAIA bago dinala sa pasilidad ng BI warden sa Camp Bagong Diwa kung saan ito mananatili habang sumasailalim sa mga paglilitis sa deportasyon.

Ayon sa BI chief, si Shin ay napapailalim sa isang Interpol red notice na inilabas noong 2016 na nagpapahiwatig na ito ay pinaghahanap para sa pandaraya sa Seoul na kinasasangkutan ng 572 milyong won, o humigit-kumulang higit sa US$418,000.

Nakipagsabwatan umano si Shin sa dalawa pang suspek sa panloloko sa isang biktima ng kanyang pera sa pamamagitan ng paggamit ng scheme na kilala bilang voice phishing.

Nabatid na nagpanggap ang mga ito na mga opisyal ng isang malaking institusyon sa bangko na nag-iimbestiga sa isang kaso ng money laundering kung saan nagawa ng mga itong deposito ng biktima ang kanyang mga pondo sa mga account ng mga suspek.

Sa pagsusuri sa rekord ng paglalakbay ni Shin, ipinakita na mahigit pitong taon na itong nagtatago sa bansa kung saan huli itong dumating sa bansa ay noong Abril 12, 2016.

Dumating ito sa bansa ilang buwan bago lumabas ang warrant of arrest at isang interpol notice na inilabas laban sa kanya.

Leave a comment