First ecozone employment summit ginanap sa Central Visayas

Ni NERIO AGUAS

Nagsagawa ang Region 7 Ecozone Tripartite Working Committee (ETWC) ng Informative Learning Session cum Ecozone Employment Summit noong Abril 23, sa Cebu City.

Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyan-diin ni DOLE Regional Director Lilia Estillore ang kahalagahan ng pagtulong sa pagpapadali ng paghahanap ng trabaho at pagpapanatili nito, pagsulong ng kapayapaang pang-industriya at pagiging produktibo.

“Napakahalaga ng pagiging produktibo. Normal ang di-pagkakaunawaan. Sa relasyon ng namumuhunan at manggagawa, palaging nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan, ngunit dapat itong mapamahalaan,” aniya.

Dinaluhan ng mga miyembrong kumpanya ng ETWC at Mactan Export Processing Zone Chamber of Exporters and Manufacturers, itinampok sa “summit” ang iba’t ibang paksang nakasentro sa pagpapanatili ng mga trabaho at pangangasiwa ng empleyo sa Region 7.

Iprinisinta ni Professional Regulation Commission 7 Regional Director Narcival Taquiqui ang mga datos ng rehiyon ng mga rehistradong propesyonal at hinimok ang mga may-ari ng kumpanya na suportahan ang professional growth ng kanilang mga empleyado sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagsasanay at regular na pag-renew ng kanilang professional license.

Nagkaroon din ng talakayan sa PhilJobNet, isang online facility kung saan maaaring makahanap ang aplikante ng trabahong lokal o sa ibang bansa.

Katulad nito, ang mga employers ay maaari ring maghanap ng mga aplikante na tutugma sa kanilang kinakailangang kwalipikasyon at pamantayan.

Tinalakay ni DOLE Supervising Labor and Employment Officer Jessica Uy ang proseso ng pagpaparehistro, na naging dahilan upang ang walong kampanya ay matagumpay na nakapagrehistro sa PhilJobNet bago matapos ang araw.

Kabilang sa mga paksang tinalakay sa “summit” ay ang iba’t ibang mga programa sa ilalim ng DOLE Integrated and Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP), gayundin ang regional labor market supply forecast mula sa DOLE, PRC, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Commission on Higher Education (CHED).

Leave a comment