Mahalagang panukalang batas ipinasa na ng Kamara

Ni NOEL ABUEL

Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 10079, ang panukala na kikilalanin bilang “Philippine Midwifery Act”.

Sa botong 186 pabot sa HB 10079, na iniakda ni Rep. Salvador Pleyto Jr. (6th District, Bulacan), layon nitong ayusin ang sistemang pang-edukasyon ng lahat ng mekanismo sa pagsasanay, paglikha ng Code of Ethics na siyang paiiralin sa paggawa, moral obligations at tungkuling propesyonal na susundin ng lahat ng mga rehistrado at lisensyadong midwives.

Samantala, aprubado rin sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 10158, na lumilikha sa Manila Bay Aquatic Resources Management Council, na may botong 185 at tatlong kontra; HB 10173, na kikilalanin bilang “Condominium Redevelopment Act” na inihain ni Rep. Florida “Rida” Robes, na may botong 188; HB 10178, na kikilalanin bilang “Overseas Electronic Registration and Voting Act” na may botong 188; at HB 10172 na kikilalanin bilang “National Housing Authority Act,” na may botong 188.

Ang HB 10172, na pangunahing iniakda ni Rep. Francisco “Kiko” Benitez (3rd District, Negros Occidental), ay nagpapalawig sa termino ng korporasyon ng National Housing Authority (NHA) sa 25 taon.

Sa ilalim ng panukala, mananatili ang NHA sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Niratipikahan rin ng Kamara ang ulat ng bicameral conference committee sa mga hindi nagkakasundong probisyon ng HB 7819 at SB 2492, sa pagdedeklara ng mga maritime zones sa mga nasasakupan ng Republika ng Pilipinas.

Aprubado rin ang panukala na naggagawad ng pagkamamamayang Pilipino kina Wonsuk Heo, Stephen Decatur Haines at Faiz Sheik sa ikatlo at huling pagbasa.

Leave a comment