Mas malaking budget sa edukasyon at foreign education institutions isusulong ng Kamara

Ni NOEL ABUEL

Bunsod ng walang unibersidad sa Pilipinas na pumasok sa top 100 survey ng Asian higher education institutions (HEIs), dapat na paglaanan ng malaking pondo ang sektor ng edukasyon.

Ito ang sinabi ng dalawang mambabatas n nagsabing kanilang isusulong ang paglalaan ng mas malaking badyet sa sektor ng edukasyon upang maiangat ang kalidad nito kapantay ng pandaigdigang pamantayan.

Ayon kay Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, bilang reaksyon sa pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kinakailangan ng bansa na magsulong ng komprehensibo at all-encompassing na mga estratehiya na mag-aangat sa bansa, matapos na bumagsak ang Philippine HEIs mula sa top 100 ng Times Higher Education’s 2024 Asia University Rankings.

Nagpahayag ng kalungkutan si Abante, chairman ng Committee on Human Rights, sa kaganapan subalit pinuri nito ang Pangulo sa kanyang pangako na pagsisikapan na maiangat edukasyon ng bansa.

“Nakakalungkot po na malaman natin ‘yung nangyari na nawala tayo sa top 100. And we commend the President for doing (or committing) that,” aniya.

Tiniyak nito sa Pangulo na ibibigay ng Kongreso ang lahat ng kinakailangang paraan, lalo na ang paglalaan ng mas malaking badyet upang maitaas ang kalidad ng sistema sa edukasyon ng bansa.

“Magiging mas maganda ang ating education dito, magiging quality education tayo dito. At hindi lang yan kundi magbabalik tayo sa araw noon ng ating edukasyon. Talagang hinahanap ito ng pati foreigners sa ating bansa,” ayon kay Abante.

Sinabi naman ni Adiong na bukod sa paglalaan ng malaking badyet para sa kaunlaran ng edukasyon, ay susuriin rin nito ang pamamaraan na ginamit sa survey, mula sa facilities hanggang sa faculties, mula sa research-based results ng bawat unibersidad sa buong mundo, at hanggang buong Asya.

Nakita rin ng dalawang mambabatas ang pagbagsak sa ranking bilang karagdagang dahilan upang pahintulutan ang foreign ownership ng higher education institutions, na kabilang sa economic charter change na isinusulong ng Kamara.

Ayon kay Abante, ang pagpapahintulot sa foreign universities sa bansa ay magiging hamon sa mga lokal na unibersidad na makipagpaligsahan.

“Talagang pag-iigihan nila ito. Ganoon din, sana, maibalik din ‘yung tinatawag nating voucher system ng CHED para sa mga estudyante natin na talagang nag aaral at talagang maganda ang kanilang educational background,” aniya.

“Kaya nga po kami dito, gusto natin ipanukala na magkaroon ng liberalization of higher education because that’s precisely what we’re discussing to you in the previous weeks and months,” ani Adiong.

Ipinaliwanag nito na pinatunayan ng survey ang mga alalahanin ng Kamara na paigtingin ang pagsusulong ng pagpasok ng foreign ownership ng mga unibersidad sa bansa, upang mapakinabangan ito mismo ng sambayanang Pilipino at mamuhunan sa maunlad na sistemang pang-edukasyon.

Leave a comment