
Ni NERIO AGUAS
Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang isang Koreanong nag-escort sa 5 biktima ng human trafficking.
Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement (I-PROBES) ng BI, tinangka ng hindi pinangalanang Koreano, 34-anyos, na tinangkang umalis kasama ang kanyang mga biktima sa Armenia na dumann sa United Arab Emirates.
Ang mga biktima sa una ay nagsabing maglalakbay ang mga ito sa Armenia para sa isang seminar, ngunit kalaunan ay inamin na iligal na na-recruit para magtrabaho bilang customer service representative at nangakong tatanggap ng suweldo na 267,533 Armenian Dram o humigit-kumulang P 40,000.
Inamin ng Koreano na kaanib iti sa isang recruitment agency, ngunit sinabing tinutulungan lang aniya nito ang kanyang mga kaibigan.
Sa pagsusuri sa mga rekord ng Koreano, makikita na dati itong nag-sponsor ng isa pang grupo ng mga Pilipino para umano sa isang seminar, ngunit sinabing ang mga ito ay hindi pa nakababalik sa bansa hanggang sa kasalukuyan.
Napag-alamang may permanent residence visa sa Pilipinas ang Koreano dahil sa kanyang kasal sa isang Pilipina.
Lahat ng 6 na pasahero ay dinala sa inter-agency council against trafficking para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa escort at tulong para sa 5 biktima.
Inirekomenda rin ng I-PROBES na bawiin ang visa ng Koreano at isampa ang kasong paglabag sa Immigration Law.
