
Ni NOEL ABUEL
Nag-courtesy call sa tanggapan ni Senador Raffy Tulfo si Japanese Ambassador to the Philippines H.E. Endo Kazuya na nangakong tutulong sa Pilipinas at sa Philippine Coast Guard (PSG).
Sa kanyang pagbisita, inusisa ni Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Migrants Workers ang kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Japan na umaabot na sa humigit kumulang 230,000 ang bilang na karamihan ay high-skilled experts tulad ng nurses at engineers.
Nangako si Ambassador Kazuya ng 507-million-dollar Official Development Aid Loan sa ilalim ng JAPAN International Cooperation Agency (JICA) para sa karagdagan pang limang 97-meter-long multi-mission maritime patrol vessels para sa PSG.
Kasabay nito, tinalakay rin ni Tulfo, chairperson din ng Senate Committee on Energy, kay Ambassador Kazuya ang kanyang Waste-to-Energy (WTE) bill na puspusan nitong isinusulong.
Sinabi pa nito na matagal nang laganap sa Japan ang WTE kung kaya’t importante ang input na makukuha mula sa Japanese government.
Pagdating naman sa larangan ng economic investment, binanggit ni Ambassador Kazuya ang financial incentives na natatangap ng mga investors sa Pilipinas mula sa Japan.
Ito aniya ay magiging isang paraan para ma-engganyo ang mga Japanese investors na manatili at magdala pa ng karagdagang negosyo sa bansa.
Sinabi naman ni Tulfo na kanya naman itong tatalakayin sa technical working group ng Committee on Ways and Means kung saan siya ay vice chairman.
Sa kabilang banda, pinuri ni Ambassador Kazuya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang foreign affairs policy sa lahat ng larangan kasama na rito ang tungkol sa West Philippine Sea (WPS).
