Chinese national nahulihan ng pekeng Mauritius passport at ID

Ni NERIO AGUAS

Nasabat ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na nakuhanan ng pekeng dokumento nang tangkaing pumasok sa Pilipinas.

Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement (I-PROBES), dumating sa bansa ang Chinese national na si Wang Weiqiang 32-anyos sakay ng flight ng Philippine Airlines at sinubukang lumusot sa immigration counter gamit ang kanyang pekeng Mauritius passport at identification card.

Ayon sa BI, ang nasabing dayuhan ay bumiyahe mula Bangkok at dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Mayo 17.

Sa record ng BI, si Wang ay unang bumiyahe sa bansa gamit ang Chinese passport.

Inamin ng dayuhan sa interogasyon na nakuha nito ang pekeng dokumento pagkatapos umano’y mamuhunan ng 200,000.00 USD, ngunit inamin na hindi kailanman naglakbay sa Mauritius para sa pagproseso.

Sa halip ay natanggap nito ang pasaporte at identity card habang ito ay nasa Thailand.

Sa beripikasyon ng BI forensic documents laboratory, natuklasan na ang ipinakita nitong dokumento ay pawang mga peke.

“This process is a reminder of the ongoing challenges we face in combating illegal immigration and human trafficking. Our immigration officers remain vigilant to ensure the safety and security of our borders,” sabi ni BI Commissioner Norman Tansingco.

Iniutos ni BI chief ang agarang pagpapalayas kay Wang sa Pilipinas at pagsasailalim sa blacklist order nito.

Leave a comment