Michael Yang iisyuhan ng warrant of arrest ng Kamara — Rep. Barbers

Ni NOEL ABUEL

Nagbanta ang isang kongresista na magpapalabas ito ng warrant of arrest laban sa negosyanteng si Michael Yang at iba pa kung patuloy na tatangging dumalo sa mga pagdinig ng Kongreso kaugnay ng nasamsam na P3.6 bilyong halaga ng shabu sa isang bodega sa Mexico, Pampanga.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Acer Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, kung si Yang, dating tagapayo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, at ang iba pa nitong kasamahan ay sangkot sa pagmamay-ari ng bodega kung saan nasamsam ang mga droga ay hindi pa rin nakikinig sa mga imbitasyon ng komite, maaaring mag-isyu ng show-cause orders at pagkatapos ay warrant of arrest.

“Kapag hindi sila um-attend, isa lang ang mangyayari. We will issue a show-cause order and if they refuse and ignore the show-cause order, we have no other recourse but to issue a warrant against them,” sabi ni Barbers.

“’Yung iba kasing naimbitahan namin, limang beses na namin inimbitahan at ngayon ay sila ay subject of arrest. And hopefully, ‘yung ating PNP, PDEA at ‘yung NBI, madala sila bukas sa aming hearing, which will make it more exciting,” dagdag nito.

Si Yang at iba pang kasama nito tulad ni Lincoln Ong, ay inimbitahan sa pagdinig ilang araw na ang nakalilipas.

“Pero ‘yung mga bago naming inimbita, ngayon hopefully sila ay mag-appear. Hindi pa naman namin sila inaakusahan. Ang aming panawagan sa kanila ay pumunta sila, mag-attend sila ng hearing, magbigay linaw doon sa issue na kung saan kinasasangkutan ng kanilang kumpanya o kinasasangkutan nila dun sa usapin ng droga,” paliwanag pa ni Barbers.

“Wala pa kaming inaakusahan. At kapag hindi sila um-attend, siguro mayroong mako-conclude ‘yung ating mga kasamahan. Meron tayong kasabihan, ‘flight is indicative of guilt.’ Pagka ganu’n, baka mag-iba ‘yung committee report at baka doon patungo ‘yung aming susulatin na committee report,” aniya pa.

Si Yang, sinabing malapit na kaibigan ni Duterte, ay inimbitahan sa pagdinig ng panel nang lumabas ang kanyang pangalan dahil sa pagiging hinihinalang drug trafficker.

Naugnay rin ito sa P8-bilyong Pharmally Pharmaceutical scandal na kinasasangkutan ng pagbili ng mga medical supply sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Nalaman ng komite ni Barbers na si Ong, interpreter ni Yang, ay incorporator ng Empire 999 na nagmamay-ari ng warehouse kung saan nakuha ang P3.6 bilyong halaga ng shabu.

“In-invite namin si Mr. Yang upon the motion of Congressman Dan Fernandez at Congressman Caraps Paduano, dahil sa rason na may mga na-discover kami na mga kumpanya na nirehistro na kasama dito ‘yung mga incorporators nu’ng Empire 999,” ani Barbers.

“Ang aming theory ay nagkakaroon ng mga shell companies na ino-organize and they intertwine. Ibig sabihin, ‘yung incorporator sa company A ganu’n din ‘yung incorporator sa B, sa C, sa D, sa E, hanggang sa nakita natin na mayroong pattern,” dagdag pa ng mambabatas.

“Dahil dito sa pagtatanong ng ating mga kasamahan sa komite, nanawagan na magkaroon ng imbitasyon doon sa mga mga incorporators ng mga kumpanyang ito, kasama diyan si Mr. Lincoln Ong and si Mr. Michael Yang,” giit nito.

Leave a comment