Ipasara ang lahat ng gambling sa bansa – SP Escudero

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na kung seryoso ang pamahalaan na mawala ang sugal sa bansa ay dapat na ipasara ang lahat ng casino sa bansa.

Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Escudero na kung tunay na seryoso ang pamahalaan na tuluyang i-ban ang operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) dahil sa masamang idinudulot nito sa bansa ay dapat na i-ban ito.

“Kung gusto nating mag-ban ng pasugalan, ito nga hindi mga Filipino ang nagsusugal, e di i-ban na lang natin lahat. Para wala nang sugal sa Pilipinas kung talagang iyan ang gusto natin at ‘yung mga kasamang associated at nakadikit sa pagsusugal. Tulad ng trafficking, money laundering, cyber fraud. Kung titingnan ninyo ang datos at ipinakita ng Philippine National Police (PNP), ang kidnapping, ang drugs, ang prostitusyon, lahat natagpuan sa mga casino rin,” pahayag ni Escudero.

“So if it present in all forms of gambling, then let’s ban all of the forms of gambling that has it too. Bakit tayo namimili lang? tanong pa nito.

Pinuna rin ni Escudero ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na sa halip na maging regulator lamang ng POGO ay nagiging operator pa.

“Ang mas gusto ko nga at dapat na maging direksyon ng PAGCOR at nasabi ko ‘yun noon ay dapat na regulator lamang at hindi operator. Saan ka ba nakakita na nire-regulate at suni-supervise ang sarili niya? Di ba siya ang gumagawa ng rules at siya ang nagpapasugal. Dapat hindi siya gaming corporation, dapat gaming commission. Nagsu-supervise lang at hindi nagpapatakbo ng pasugalan,” giit ni Escudero.

Aniya, kailangan na magpasa ng panukalang batas para maialis sa PAGCOR ang pagiging operator at sa halip ay dapat na maging commission na lamang.

“I think legislation is needed to convert it really as a commission. Para ‘yung taxes diretso sa National Treasury at hindi considered income ng PAGCOR na GOCC na may share lang ang National Treasury,” sabi nito.

Leave a comment