Canadian drug trafficker haharapin muna ang kaso sa bansa bago ipa-deport — BI

Ni NERIO AGUAS

Nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) na kailangan munang harapin ng Canadian national na sangkot sa illegal drugs ang kasong kriminal kinakaharap nito sa bansa bago ipa-deport.

Ito ang sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco kung saan ang naarestong alien fugitive na si Thomas Gordon O’Quinn ay mananatili sa bansa habang dinidinig ang kaso nito bago ipatapon palabas ng bansa.

Si O’Quinn, na gumagamit ng alyas na James Martin, 38-anyos, ay nadakip noong nakalipas na Mayo 16 sa Bgy. Maitim II, Tagaytay City ng magkasanib na puwersa ng fugitive search unit (FSU) at Regional Intelligence Division ng National Capital Region Police Office (NCRPO), PRO4A, at ng Tagaytay City Police Station.

Itinuturing ang nasabing dayuhan na big-time drug lord, at wanted ng interpol sa kasong kinakaharap nito sa Estados Unidos.

Iniulat na kinasuhan ito sa harap ng nasabing korte ng conspiracy to distribute and possess with intent to distributed the illegal substance o methylenedioxyamphetamine (MDA) at limang kilo o higit pa ng mixture at substance na naglalaman ng detectable amount ng cocaine.

May kinakaharap din itong karagdagang kaso ng conspiracy to export mula sa US ng limang kilo ng cocaine na sinampa rin laban sa kanya sa parehong korte.

Si O’Quinn ay sinasabing ginawa ang mga pagkakasala mula Agosto 2014 at Hunyo 2015 kung saan ito at ang kanyang mga kasamahan ay pinadali ang pag-export at pag-import ng mga iligal na droga mula sa Canada patungo sa US at vice-versa.

Sa sandaling maparusahan ng guilty, si O’Quinn ay paptawan ng maximum na life imprisonment sa ilalim ng US penal code.

Sa Pilipinas, nahaharap si O’Quinn sa mga kasong paglabag sa Section 11 (Illegal Possession), Article II ng R.A. 9165, at Artikulo 178 (Using Fictitious Name and Concealing True Name) ng Revised Penal Code.

Nakasaad sa mga ulat mula sa NCRPO na ang mga kaso ay isinampa sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Office of the Prosecutor, Department of Justice sa Manila City.

Itinuro ang nasabing dayuhan ng mga lokal na awtoridad bilang pangunahing suspek para sa umano’y pagkakasangkot nito sa kaso ng 1.4 tonelada ng iligal na droga na nasamsam ng mga awtoridad sa loob ng isang sasakyan sa Batangas noong nakaraang buwan.

Nabatid na sa pag-aresto sa kanya, nakuha ng mga operatiba ng BI at pulisya ang ilang sachet ng shabu at 14 na identification card ni O’Quinn na may ibang pangalan.

“He has to stand trial and face his crimes locally, before we deport him so he can again strand trial for the crimes he committed abroad,” sabi ni Tansingco.

Leave a comment