Tulong sa mangingisda sa Zambales tiniyak ng Kamara

Sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at Iloilo 5th District Rep. Raul “Buboy” Tupas, na nagsagawa ng dayalogo sa mga mangingisda sa Zambales.

Ni NOEL ABUEL

Nangako ang mga lider at miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na tutulungan ang libu-libong mangingisda sa lalawigan ng Zambales na ituloy ang kanilang mga aktibidad sa pangingisda sa Bajo de Masinloc at iba pang lugar sa kabila ng banta ng pambu-bully at harassment mula sa China.

Ginawa ng mga mambabatas ang pangako sa pagdinig ng House Committee on National Defense and Security at ng Special Committee on the West Philippine Sea (WPS) sa diumano’y lihim na kasunduan sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Chinese President Xi Jinping sa usapin sa WPS, na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Ang pagdinig ay magkatuwang na pinangunahan ni Iloilo Rep. Raul Tupas, House Committee on National Defense chairman, at Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na nagbasa ng mensahe mula kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Sa kanyang mensahe, idineklara ni Romualdez na nasa loob ng EEZ ng bansa ang Bajo de Masinloc, ang tradisyunal na fishing ground ng Zambales at Pangasinan fisherfolks at dapat malayang mangisda doon ang mga Pilipino.

Sa pagdinig, ipinalabas ng mga mangingisda ang kanilang mga karanasan noong sila ay na-water cannon ng Chinese Coast Guard at ang kanilang kahirapan sa pangingisda sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, na kinuha ng mga Tsino noong 2012.

Nagpahayag din ang mga ito ng kanilang pag-aalala para sa kanilang kaligtasan partikular ang banta ng China na aarestuhin mula Hunyo 15.

Nangako si Gonzales at ang kanyang mga kasamahan sa mga mangingisda na kanilang ipapaabot ang kanilang mga alalahanin kay Romualdez at maging kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“Sa utos po ni Speaker, nandito po kami kahit kami ay nasa-recess ngayon para pakinggan kayo. Huwag po kayong mag-alala, makakarating po kay Speaker ang mga hinaing at concern ninyo,” sabi ni Gonzales.

Iminungkahi naman ni Zambales Rep. Jay Khonghun at iba pang kongresista na ang tulong mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay iayon sa pangangailangan ng mga mangingisda.

Sinabi ni Khonghun na ang BFAR ay mamahagi sa mga mangingisda ng maliliit na fiberglass boats para sa mga ilog habang ang malalaking bangka ay magagamit sa karagatan.

Aniya, sa bayan ng Subic, nakatanggap ito ng isang 20-foot boat mula sa BFAR.

“We will make sure in the next budget hearing that BFAR will extend the kind of assistance fisherfolk need. They have the funds for it,” sabi ni Khonghun.

Iminungkahi naman ni Laguna Rep. Dan Fernandez ang isang programa para sa mga mangingisda na katulad ng public utility vehicle modernization project sa Metro Manila.

“You have to consolidate and form cooperatives to obtain low-interest loans from Land Bank and even subsidies from the national government like jeepney drivers, so you can have modern fishing boats,” sabi nito.

Bilang tugon, ipinaalam ni Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr. sa mga mambabatas na nagsimula na ang pamahalaang panlalawigan ng katulad na gawain para sa mga mangingisda.

“We are making available P5 million for every group of fishermen without interest, but they will have to repay it,” ayon sa gobernador.

Leave a comment