Divorce bill pagpapasyahan ng mga senador at hindi ng Senate President — Escudero

Ni NOEL ABUEL

Nilinaw ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na wala itong planong diktahan ang mga kapwa senador sa desisyon nito sa mga panukalang batas na mariin nitong tinututulan.

Inihalimbawa ni Escudero, ang Divorce Bill na ipinasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong nakaraang linggo kung saan bagama’t tutol ito ay tinitiyak na pag-aaralan ito ng mga senador sakaling makarating na sa Senado.

“Hindi pa pinapadala sa amin dahil pending pa sa Kamara kaugnay ng bilang ng bumoto na in-adjust yata makalipas ang isang araw. Sa Senado pending ‘yan sa Committee on Rules,” sabi ng senador.

“Kung ang desisyon sa bersyong ‘yan tutol ako pero kung tatanggapin ang ilang panukalang amendment maaaring magbago ang posisyon ko pero sa ngayon sa bersyong ‘yan hindi ko masususportahan ‘yan. Pero liwanagin ko, kadalasan sinasabi na kapag ang Senate President ay tutol sa isang panukalang batas wala nang pag-asang pumasa ‘yan. Hindi ‘yan ang pananawa ko,” dagdag pa ni Escudero.

Aniya, sa 14-taon nito sa Senado at Kongreso ay ni minsan ay hindi nito inaangkin ang pagkakapasa ng isang batas na galing at dahil dito.

“Dahil ang iisang libro lamang ng Senado pwedeng pigilan ang pagpasa ng batas. So isa ang boto ko kung tutol man ako may 23 pa na kung ‘yan ang gusto ng mayorya conscience vote ang tingin ko pagdatng sa divorce kung ano man ang gusto ng mayorya ‘yan ang masusunod sa Senado,” paliwanag pa ng Senate President.

Leave a comment