


Ni NOEL ABUEL
Umaasa ang mga senador na sa pamamagitan ng pagpasa bilang batas ng Eddie Garcia Law ay matitigil na ang hindi pantay at pang-aabuso sa mga manggagawa mula sa industriya ng pelikula at telebisyon
“The new law should usher an end to the unfair, unsafe, unsustainable and pervasive poor working conditions of the industry workers,” sabi ni Senador Grace Poe.
Aniya, ang mga manggagawa sa likod ng entablado o kamera ay mahalaga kung saan wala aniyang mga bida sa pelikula kung wala ang mga manggagawa sa industriya.
“Sa pag-unlad ng industriya, kasama dapat sila na nababayaran ng sapat, may proteksyon sa trabaho at may oportunidad na lalong maging mahusay,” sabi nito.
Pinapurihan naman ni Senador Ramon Bong Revilla Jr., isa sa may akda ng panukala, ang pagsasabatas ng Republic Act No. 11996 o ‘An Act Protecting the Welfare of Workers in the Movie and Television Industry” na layong protektahan ang kapakanan ng mga manggagawa mula sa industriya ng pelikula at telebisyon.
“Sa wakas ay tuluyan nang naging batas itong itinulak nating panukala para sa kapakanan ng ating mga kasamahang manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon. Nagpapasalamat tayo kay President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. for enacting this law. Sobra akong nagagalak! We fought long and hard for the passage of this measure. This is a victory for our our workers and the industry,” paliwanag ni Revilla.
“Mula noon ay lagi ko na ngang sinasabi, sa industriyang ito na ako isinilang at dito na ako nagkamuwang. Utang ko po sa industriya, sa mga manggagawa, at sa publiko kung nasaan ako ngayon. This is one way of giving back,” dagdag pa nito.
Tinitiyak ng Eddie Garcia Law na ang mga manggagawa sa pelikula at telebisyon ay mabibigyan ng proteksyon ng kanilang mga employers sa lugar ng kanilang pinagtatrabahuhan.
Nakasaad din dito na dapat ay ipatupad ng employer ang tamang oras ng isang ordinaryong nagtatrabaho at maging ang tamang pasahod at kaukulang benepisyo tulad ng social security at iba pang benepisyo, basic necessity, health and safety, working conditions and standards, at insurance para sa manggagawa.
Ayon naman kay Senador Robinhood “Robin” C. Padilla, napakainam na balita para sa mga nagtatrabaho sa movie at television industry ang paglagda ni Pangulong Marcos sa Eddie Garcia bill.
Si Padilla, na sumikat bilang action star, direktor at stuntman sa mundo ng showbiz, ang naging principal author at co-sponsor ng ngayo’y batas sa Senado.
Ang kapwa niyang showbiz personality na si Senador Jinggoy Estrada ang nag-sponsor sa batas bilang tagapangulo ng Senate labor committee.
“A very good news came to us today. Eddie Garcia Law is now a law – Republic Act No. 11996. Thank you very much to our sponsor Senator Jinggoy Estrada and to my fellow Senators,” ani Padilla.
“Long live the Filipino television and film industry. This is for you. Alhamdulillah,” dagdag nito.
