Solon kay PBBM: Magsalita na kung dapat pang manatili ang POGO sa bansa

Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Senador Risa Hontiveros kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magsalita na kung dapat pang manatili ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa dahil sa kung ang Senado ang tatanungin ay ‘overripe” na ito.

“Hindi ko alam ano pang inaantay ng buong gobyerno. San nga, at ito ipananawagan ko sa nakaraang hearing ng Senate Committee on Women, sana nga si Presidente na ang magsalita at paalisin na talaga niya ang lahat ng POGO,” sabi ng senador.

Inihalimbawa pa nito ang inilabas ni Senador Sherwin Sherwin sa kanyang committee report at sa Senate Committee on Economic Affairs na nagrerekomendang paalisin na ang mga POGO sa loob ng tatlong buwan.

“Karamihan naming mga miyembro ng kanyang committee ay pumirma ng committee report na iyan. Kaya hinog na hinog na sana, overripe na nga sana, mailabas na ‘yan sa plenary para ma-adopt naming,” ani Hontiveros.

Giit pa ni Hontiveros, apat na taon na ang imbestigasyon ng Senate Committee on Women, natuklasan nito kung paano ang POGO ay konektado sa prostitution, konektado sa illegal recruitment at detention.

“Sa mahabang panahon nakita natin konektado diyan sa pastillas scam. At ngayon dumako na nga dito sa human trafficking, sa crypto scamming, money laundering,” dagdag pa nito.

Sinabi pa nito na sa mga nakaraang pagdinig, nakita ang mga POGO companies na nakakakuha ng mga Philippine passport, birth certificate, maging SSS, PAGIBIG, PhilHealth Ids para sa mga empleyadong dayuhan.

“Recently, ‘yung Philippine Embassy sa Bangkok ay nagulat sa atin na ‘yung Thai authorities nakapag-aresto ng apat na Tsino na nagpapanggap Pilipino gamit ‘yung mga Philippine government documents o IDs natin. So problema talaga. Ang daming kailangang ayusin at higpitan sa ating mga regulatory agencies kahit dito sa lumalala at matagal nang malaking problema ng POGO,” giit ng senador.

Leave a comment