Yamsuan, nagpasalamat sa pagka-No. 1 sa Parañaque survey

Ni NOEL ABUEL

Lubos na nagpasalamat si Rep. Brian Raymund Yamsuan sa lumalakas na suportang ipinakita sa kanya sa Parañaque City nang ito ang manguna sa survey ng mga pagpipiliang kinatawan sa Kongreso ng 2nd District ng lungsod sa darating na halalan sa Mayo.

Ayon sa pinakahuling ‘Boses ng Bayan’ survey ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD), si Yamsuan ang pinili ng 42 porsiyento ng mga botante sa distrito ng Parañaque City bilang kanilang kinatawan sa Kongreso kung ang eleksyon ay gagawin ngayon.

Naungusan ni Yamsuan ng 7 porsiyento ang kasalukuyang kinatawan ng distrito na si Rep. Gus Tambunting, na nakakuha lamang ng 35 porsiyento.

Ang dating Parañaque Vice Mayor at ngayon ay Councilor Rico Golez ay nakakuha naman ng 12 percent sa survey. May 11 percent ng mga botante ay “undecided” ayon pa rin sa survey.

“Tayo po ay ay nagpapasalamat ng marami sa suporta ng mga kapwa ko taga-Parañaque sa Ikalawang Distrito. Hindi lamang sa araw-araw na lumalaking suporta ninyo kami lubos na nagpapasalamat, kundi maging sa pagkakataon at tiwala na binibigay ninyo para makapaghatid kami ng tulong at maipakitang posible ang taos-pusong serbisyo sa mga Parañaqueño ng 2nd District,” ani Yamsuan.

Ayon sa pagsusuri ng RPMD sa resulta ng survey, ang pangunguna ni Yamsuan sa ganitong kaagang panahon bago ang darating na eleksyon ay nagpapakita ng posibilidad na makukuha nito ang isang “decisive victory” sa 2025 bilang kinatawan ng 2nd District ng Parañaque.

Ang independent at non-commissioned survey ay isinagawa noong March 18 hanggang March 24 at may 1,200 adult respondents. May margin of error ito na plus o minus 3 percent, ayon kay RPMD Executive Director Dr. Paul Martinez.

Sa kasalukuyan, si Yamsuan ay kinatawan sa Kongreso ng Bicol Saro party list na No. 2 sa Top Performing party list representatives sa 1st Quarter Boses ng Bayan survey ng RPMD.

Pinarangalan rin si Yamsuan ng RPMD bilang Outstanding Public Servant ng 2023.

Ilan sa mga programa ni Yamsuan para sa mga taga-2nd District ay ang kanyang Extra Rice Program, Sustainable Livelihood Program, Sports Facilities Improvement Program at mga medical mission sa barangay.

Gayong bagong pangalan si Yamsuan sa larangan ng pulitika sa Parañaque, siya at ang kanyang pamilya ay halos 25 taon ng naninirahan sa 2nd district ng lungsod.

Bata pa lamang ay naglilingkod na sa gobyerno si Yamsuan hindi lamang sa Kongreso kundi maging sa Executive Branch. Sa loob ng halos 30 taon, si Yamsuan ay naglingkod sa iba’t ibang tanggapan sa gobyerno.

Ilan sa mga hinawakang posisyon ni Yamsuan ay bilang political and media relations officer ng yumaong Senate President Ed Angara; pagiging chief of staff ng yumaong Senadora Tessie Aquino Oreta; deputy secretary general ng House of Representatives; secretary general ng National Unity Party (NUP); consultant sa Office of the President; at Assistant Secretary sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Leave a comment