
NI MJ SULLIVAN
Tuluyan nang nakalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Aghon kung kaya’t asahan na ang pagkakaroon ng maaliwalas na panahon at kalat-kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Sa weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) huling namataan ang bagyong Aghon sa layong 1,225 km silangan hilagang silangan ng extreme Luzon.
Kumikilos ito ng northeastward sa bilis na 35 km/h taglay ang lakas ng hangin na nasa 120 km/h malapit sa gitna at pagbugso na nasa 150 km/h at kasalukuyang nasa karagatan sa katimugang bahagi ng Japan.
Samantala, ang Southwesterly Windflow ay magdadala ng mahina hanggang malakas na pag-ulan sa katimugang bahagi ng Northern Luzon, Central Luzon at MIMAROPA.
Na
Ngayong araw ay nakakaapekto ito sa Batanes, Ilocos Region, Zambales, Bataan, northern Aurora, southern mainland ng Quezon, Polillo Islands, Palawan, Lubang Islands, Romblon, Marinduque, at Camarines Norte.
Bukas naman ay sa Batanes, Ilocos Region, Zambales, Bataan, Lubang Islands, at Kalayaan Islands at sa araw ng Biyernes ay apektado na lamang ang Batanes at Ilocos Region.
Simula na ng tag-ulan!
Idineklara na rin ng state weather bureau ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan sa bansa.
Ayon sa PAGASA, base sa monitoring nito ay naitala ang madalas na pag-ulan sa mga nakalipas na araw sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas dulot ng habagat na may dalang kalat-kalat na pag-ulan at madalas na pagkulog.
”Moreover, the high chance of La Niña conditions [developing] by the July-August-September period increases the likelihood of above-normal rainfall conditions in some areas of the country, especially towards the end of the year,” ayon pa sa PAGASA.
”The public and all concerned agencies are advised to take precautionary measures against the adverse impacts of the rainy season, Habagat, and the impending La Niña, such as floods and rain-induced landslides,” babala pa ng weather bureau.
