Blacklisted na Malaysian national naharang sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang blacklisted Malaysian national na nagtangkang umalis ng bansa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.

Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang pasahero na si Chong Wei Keong, 38-anyos, na naharang sa immigration departure area ng NAIA Terminal 1 bago pa makasakay ng Malaysian Airlines flight papuntang Kuala Lumpur.

Sinabi ni Tansingco na ang naturang dayuhan ay nahuli matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa kanyang nalalapit na pag-alis sa bansa.

Ipinakita ng mga rekord na si Chong ay nasa blacklist ng BI noong nakaraang taon matapos itong tanggihan ng mga immigration officers dahil sa pagkabigong patunayan ang kanyang layunin sa paglalakbay sa Pilipinas bilang resulta kung saan ito ay itinuring na maging isang public charge.

Nauna nang nag-overstay sa Pilipinas si Chong ng pitong buwan ngunit hindi nito maipaliwanag ang ginawa nito sa mahabang pananatili sa bansa.

At nang dumaan ito sa immigration counter ay nakumpirma ang tunay na pagkatao nito ay agad na dinakip.

Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si Chong habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito palabas ng bansa.

Leave a comment