Czech ambassador nag-courtesy kay Senate President Escudero

Ni NOEL ABUEL

Nag-courtesy sa tanggapan ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero si Czech Ambassador to the Philippines Karel Hejc upang iparating ang pagbati at pagpapaigting ang ugnayan ng Pilipinas at Czech Republic.

Sa nasabing pagpupulong na tumagal ng ilang oras, napag-usapan ng dalawang opisyal ang kooperasyon ng dalawang bansa.

Binati ni Ambassador Hejc ang bagong Senate President at binigyang diin ang panibagong sigla sa bilateral relations, partikular ang pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Czech Republic noong Marso.

Ang pagbisita ni Marcos, na sinamahan ng isang powerhouse business delegation, ay humantong sa ilang mga kasunduan na nakakuha ng suporta at nagdulot ng pagtaas ng interes mula sa Czech business community na mamuhunan sa Pilipinas.

“Some of the agreements reached during President Marcos’ visit have already taken off,” sabi ni Hejc, na nagsabing may bagong government-to-government cooperations sa usapin ng agrikultura, energy at defense.

Binigyan-diin din ng ambassador ang makasaysayang ugnayan ng dalawang bansa, na ipinagdiriwang ang ika-50 anibersaryo ng muling pagtatatag ng kanilang diplomatikong relasyon.

Inalala nito ang pagkakaibigan ng pambansang bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose P. Rizal at Ferdinand Blumentritt na ipinanganak sa Prague noong 1890s at nagbigay-pugay sa 14 na Czechoslovakian na nagboluntaryong sumali sa Allied Forces noong World War II, na ilan sa kanila ay nasawi sa Bataan Death March.

Ipinarating din ni Hejc ang matatag na suporta ng Czech Republic kay Escudero na inilarawan ang kanyang bansa bilang isang “kaibigan, kasosyo, at kaalyado” sa Pilipinas.

Nagpahayag din ito ng pagkabahala sa kasalukuyang sitwasyon sa West Philippine Sea, at idiniin na hindi lamang ito isang nakahiwalay na isyu kundi isang pandaigdigang alalahanin na mahigpit na binabantayan ng Czech Republic at iba pang mga bansa sa Europa.

Pinasalamatan naman ni Escudero si Hejc sa kanyang pagbati at sa suporta ng Czech Republic sa mamamayang Pilipino.

“Thank you for your support to the Filipino people. As you know, we rely on our friends from the international community to help us as we strive to give our people a better country and a better future,” sabi ng Senate President.

Sinabi ni Escudero na ang Pilipinas ay umaasa sa mas nakakaengganyong pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang larangan tulad ng enerhiya, agrikultura, agham at teknolohiya, at depensa.

Leave a comment