7 illegal Chinese miners nasakote sa Batangas

Ni NERIO AGUAS

Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang 7 Chinese nationals na illegal na nagtatrabaho sa quarry sa Batangas.

Sinabi ni BI Intelligence Division chief Fortunato Manahan, Jr. na ang pitong lalaki ay naaresto sa isinagawang operasyon ng regional intelligence operations unit (RIOU) IV-A kasama ang government intelligence forces at nakipag-ugnayan sa Taysan Municipal Police Station.

Binanggit pa ni Manahan na ang kanilang unang target ay ang isang nagngangalang Wang Zhenglai, 34-anyos, na may working visa ngunit napag-alamang napetisyon ng isang pekeng kumpanya.

Gayunpaman, sa ginawang operasyon, kasama ring nahuli ang anim na iba pa na napag-alamang ilegal din na nagtatrabaho sa parehong lugar.

Bukod kay Wang, lima pang manggagawa ang napag-alamang nagtataglay ng 9(g) working visa, ngunit napetisyon ng mga kumpanyang matatagpuan sa Quezon City. Ang isa ay natagpuang nagtatrabaho gamit lamang ang isang tourist visa.

Isa sa naturang mga dayuhan na si Wang Shou Min, 67-anyos, na sinasabing ‘big boss’ ng mining company, at ama ni Wang Zhenglai.

Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang pag-aresto ay nag-ugat sa intelligence information na may ilang Chinese nationals na napatunayang ilegal na nagtatrabaho sa isang mining operations.

Muling iginiit ni Tansingco na ang working visa ay parehong company-specific at station-specific.

“Foreign nationals who possess a working visa but found to be petitioned by fake companies or caught to be working in other locations may face deportation cases,” aniya.

“The use of fake companies as petitioners is becoming a trend following the recent discovery of foreign nationals presenting fraudulently-acquired documents to stay in the country,” dagdag pa ng BI chief.

Leave a comment