
Ni NOEL ABUEL
Nagbanta si dating Senate President Juan Miguel Zubiri na kakasuhan nito ng cyber libel ang mga taong naglalabas ng fake news laban sa kanya.
Ayon kay Zubiri, isa-isang sinagot nito ang lahat ng black propaganda na ipinukol sa kanyang reputasyon at pangalan na matagal na aniyang inalagaan.
Ang mga lumabas na black propaganda, ani Zubiri, ay nakapaloob sa maraming videos na nagkakalat ng malisyosong tsismis na ipinost sa social media at na-timing sa kanyang pagpapababa bilang Senate President.
“They came out with a first set of videos two months ago, on the first attempt to unseat me. When that failed, they produced a part two video, which was released during the week of the second attempt. The timing is impeccable,” sabi ni Zubiri.
May “impeccable timing” umano ang black propaganda dahil lumabas ito kasabay ng kanyang pagbaba bilang Senate President.
“It’s an obvious attempt to discredit my leadership and taint my name. And they’re funneling huge amounts of money into this campaign – from production to promotion,” ani Zubiri.
“So to whoever’s spreading these lies to make it look like I’m pocketing government money to buy mansions and jets, these are totally false. I hope they’re ready because I will be filing cases and will not stop until justice prevails,” dagdag pa nito.
Nabatid na lumabas sa nasabing fake new video, mayroon umanong bahay si Zubiri sa Forbes Park, kasama ang private airplanes, jets at helicopters, at galing daw umano ito sa katiwalian.
“Walang katotohanan ‘yan,” deklarasyon ni Zubiri, kasabay ng paghahamon na kung may makita silang bahay ng senador sa Forbes, sa kanila na ito.
Depensa ni Zubiri, wala itong pag-aari sa Forbes Park.
“Yung bahay ko ngayon, na wala sa Forbes, ay nabili ko noong 2009 pa po. At nasa SALN (Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth) ko po iyan,” aniya.
Sa isyu naman ng pribadong mga eroplano, ipinaliwanag ni Zubiri na humihiram lang ito para magampanan ang mga obligasyon bilang senador lalo na noong panahon na ito ay pangulo ng Senado.
Kasama rin sa mga balita ang pagpapatayo ni Zubiri ng isang resort sa Camiguin na siya namang inamin ng senador.
“This is not a private hideaway, and you can find the property in my SALN,” aniya pa.
“Nagpapatayo ako ngayon doon ng maliit na resort, dahil naniniwala ako sa ganda ng Camiguin at ng Northern Mindanao, at gusto kong tumulong na gawin itong top tourist destination dito sa Pilipinas,” paliwanag ni Zubiri.
Ipinaliwanag din nito na bilang negosyante, may kakayanan itong bumili.
Ang pamilyang Zubiri, na naka-base sa Bukidnon, ay matagal nang nasa industriya ng pagpoproseso ng asukal at pagtatanim ng pinya.
Ang senador mismo ay may negosyong planta ng industrial ice sa Iloilo at Cagayan, at planta ng renewable energy sa Bukidnon.
“May income po tayo, at nasa SALN ko po lahat iyan. And we pay all our taxes,” sabi nito.
“I always encourage aspiring politicians to have their own sources of income separate from public service. Para walang temptation na mangurakot sa kaban ng bayan,” pagpapatuloy ni Zubiri.
