
Ni NOEL ABUEL
Malaking tulong para sa mga pampublikong guro sa mga binabalikat na gastusin ang bagong batas na nagtataas sa kanilang teaching supplies allowance, at makatutulong din upang mas epektibong magampanan ang kanilang tungkulin.
Ito ang naging pahayag ni Senador Sonny Angara kasabay ng pagpapasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagbigay ng solidong suporta sa batas na ito.
“Dahil dito, hindi na kailangang gumastos pa ng sarili nilang pera ang mga guro. Ang mga ganitong inisyatibo ay nararapat lamang para sa mga katulad nila na bagaman laging tambak ang trabaho, napakababa naman ng sweldo. Marami pa tayong dapat gawin para sa ating teachers bilang pasasalamat sa kanilang walang sawang pagtuturo at paghubog sa kaalaman ng ating mga anak,” ani Angara.
Sa nakaraang limang taon bilang chairman ng Committee on Finance, siniguro ni Angara na naibibigay sa mga teachers ang kanilang teaching supplies allowance.
Sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act, kabuuang P3.25 bilyon ang inilaan para sa P3,500 teaching supplies allowance ng mahigit 930,000 guro sa public schools.
Mula naman 2021 hanggang sa mga sumunod na taon, itinaas ang nasabing allowance sa halagang P5,000 kahit wala pang umiiral na batas na nag-aatas nito.
Ngayong may bago ng batas, itinaas na sa P10,000 ang taunang teaching supplies allowance para sa public school teachers.
Ang nasabing halaga ay magagamit ng mga guro para maipambili ng tangible at intangible teaching supplies and materials; pambayad sa incidental expenses at para magamit rin sa implementasyon o pagsasagawa ng iba’t ibang learning modalities.
Matatandaan na nang magsimula ang teaching supplies allowance nang mga taong 2010 at 2011, ang mga guro ay tumatanggap lamang ng halagang P700 kada taon.
Noong 2012 hanggang 2014, itinaas ito sa P1,000 at muling itinaas sa P1,500 pagdating ng mga taong 2015 at 2016.
Taong 2017 naman nang umakyat sa halagang P2,500 ang teaching supplies allowance, at mula 2018 hanggang 2020, itinaas ito ng Kongreso sa P3,500.
“Nakita natin na napakaliit talaga ng halaga na binibigay sa ating mga guro noong mga nakaraang mga taon. Sa loob ng isang dekada ay nasa P700 hanggang P3,500 lang ang chalk allowance kaya hindi na kataka-taka na kinakailangan pa lagi na mag-abono ang mga guro para lang makabili ng mga kagamitan na kailangan nila sa pagturo,” saad ng senador.
“Sa bagong batas na pinirmahan ngayong araw ay mas makatarungan na ang halaga para sa teaching supplies allowance. Ito ay bahagi ng pagbibigay halaga natin sa mahalagang trabahong ginagampanan ng ating mga guro para sa ating mga anak,” ayon pa kay Angara.
Kapwa naman inataasan sa ilalim ng batas na ito ang Department of Education (DepEd) at ang Department of Budget and Management (DBM) na mag-ugnayan sa paglalabas ng implementing rules and regulations (IRR) sa loob ng 60 araw makaraang mapagtibay ang naturang batas.
Paliwanag ni Angara, kahit wala pang ang IRR, magiging epektibo na ang batas, 15 araw matapos ang publikasyon nito sa Official Gazette at sa mga pahayagang may regular na sirkulasyon.
Nagpasalamat din ang senador sa chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation na si Senador Bong Revilla na siyang tumayong sponsor ng nasabing batas.
