Divorce Bill hindi prayoridad ng Senado – Sen. Estrada

Ni NOEL ABUEL

Hindi prayoridad ng liderato at miyembro ng Senado na talakayin ang kontrobersyal na Divorce bill na ipinasa ng Kamara.

Sa Kapihan sa Senado forum, sinabi ni Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada na hindi uunahin ng Senado ang nasabing panukalang batas na ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at ang mahalaga ang panukalang magbibigay ng solusyon sa sikmura ng mga Filipino.

“That is not our priority bill. Ngayon, sa change of leadership, uunahin namin ‘yung mga priority bills. ‘Yung divorce bill naman kahit may divorce bill o walang divorce bill, hindi makakatulong sa kumakalam na tiyan ‘yan,” sabi nito.

Kaugnay nito, humingi ng paumanhin si Estrada sa mga kapwa nito senador sa ginawa nitong survey kamakailan hinggil sa usapin kung sang-ayon o hindi sa Divorce Bill ng Kamara.

“I apologized to my fellow senators for divulging it. I only conducted a survey among ourselves only. Kinuwestiyon ako ng mga kasamahan ko bakit ko inilabas, medyo close fight,” sabi nito.

Tinukoy ni Estrada sina Senate President Francis “Chiz” Escudero, Majority Leader Francis Tolentino, at maging si dating Senate president Juan Miguel Zubiri, na pawang tutol sa nasabing panukalang batas.

“I haven’t ask the group of SP Migz, I only talked to Sen. Joel he is against it. ‘Yun lang ang naisulat ko sa survey I didn’t ask yet the position of SP Zubiri, Sen. Loren, Sen. Gatchalian, Sen. Sonny. Si Sen. Revilla. binabalanse pa niya together with Sen. Lapid,” sabi pa ni Estrada.

Aminado naman is Estrada na maliit ang tyansa na makalusot sa Senado ang Divorce Bill kung saan mabigat aniya ang daraanan nito para makalusot.

“Mabigat talagang dadaan sa butas ng karyom,” giit nito.

Sinabi rin ni Estrada na maging ito ay tutol sa panukala dahil sa paniniwala nito sa Simbahang Katolika.

“Simple lang ‘yan. I am a devout Catholic. I adhere to the teachings of our Catholic Church. Pwede naman na mag-annul kaya lang mahal. Gawa na lang ng batas para mapadali ang annulment, mas mura at ma-expedite,” pahayag pa ni Estrada.

Leave a comment