P40M tulong sa biktima ng pagsabog ng Kanlaon volcano inilabas ni Speaker Romualdez

Ni NOEL ABUEL

Bilang tugon sa pagputok ng Kanlaon Volcano sa Negros Island, at pagsunod sa mga direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., pinabilis ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagpapalabas ng P40 milyon na tulong sa mga apektadong residente sa pamamagitan ng dalawang kritikal na pamahalaan social amelioration programs at P4 milyong halaga ng food packs mula sa Speaker’s Disaster Assistance Fund.

Sinabi ni Romualdez na nakipag-ugnayan ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) para maglaan ng tig-P20 milyon sa ilalim ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

“These funds will provide much-needed support to affected residents in Negros Oriental and Negros Occidental, ensuring they have the resources to cope with the disruptions caused by the eruption of Kanlaon Volcano,” ayon sa lider ng Kamara.

Sinabi ng pinuno ng 300-plus-strong House of Representatives na ang mga apektadong residente sa unang distrito ng Negros Oriental, na kinakatawan ni Rep. Jocelyn Limkaichong, at ang ikaapat na distrito ng Negros Occidental na kinakatawan ni Rep. Juliet Marie de Leon Ferrer, ay tumatanggap ng P10 milyon mula sa AKAP at P10 milyon mula sa TUPAD.

Aniya, ang malaking suportang pinansyal na ito ay inilaan upang matulungan ang mga residente na ang kabuhayan at trabaho ay nagambala dahil sa pagsabog ng bulkan.

Ang AKAP ay isang programa na naglalayong suportahan ang mga mahihirap tulad ng mga minimum wage earners, upang maiwasan ang mga ito na mahulog sa ilalim ng poverty line.

Habang ang TUPAD, ay isang community-based na programa na nagbibigay ng agarang tulong sa mga nahaharap sa kahirapan sa ekonomiya, kabilang ang mga displaced, underemployed, at seasonal workers.

Bukod dito, naglaan ang House chief ng kabuuang P4 milyon na halaga ng food packs, na may P2 milyon na itinalaga para sa bawat distrito mula sa kanyang Disaster Assistance Fund, para matugunan ang mga agarang pangangailangan ng mga apektadong residente.

“By providing these food packs, we aim to meet the urgent needs of our communities and ensure no one goes hungry during this difficult time,” aniya.

Binigyan-diin ni Romualdez ang kahalagahan ng pamumuno ni Pangulong Marcos sa pagsisikap na ito, na binanggit na tiniyak ng kanyang direktiba ang isang maayos at mahusay na pagtugon.

“President Marcos’ directive was clear: we must act swiftly and decisively to provide relief to those affected by this natural disaster,” sabi ni Romualdez.

“His commitment to the welfare of our people is unwavering, and this aid package reflects that dedication,” dagdag pa nito.

Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology at Seismology (Phivolcs) na ang Kanlaon Volcano ay sumabog ganap na alas-6:51 kagabi.

Leave a comment