PBBM pinuri ni SP Escudero sa paninindigan sa WPS

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni Senate President Francis “Chiz” Escudero si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa paninindigan nito sa karapatang ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) sa harap ng 21st edition of the International Institute for Strategic Studies (IISS) Shangri-La Dialogue sa Singapore.

Sa isang panayam, sinabi ni Escudero na ipagmamalaki ng mga Pilipino ang pagpapakita ni Marcos sa kanyang keynote address sa naturang pagpupulong.

“Binabati ko si PBBM sa kanyang talumpati sa Shangrila dialogue gayundin sa kanyang pagsagot sa mga tanong noong open forum. Nakaka-proud para sa sinuman na mapanood ang ating Pangulo na nagbibigay ng talumpati at sumagot sa mga tanong mula sa ibat ibang sektor.

Si Marcos, sa kanyang talumpati, ay nanindigan sa pagprotekta sa mga karapatan ng soberanya ng bansa, pagsunod sa rules-based international order at sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS),

Gayunpaman, nanindigan si Escudero na ang mapayapang resolusyon sa pamamagitan ng dayalogo ay dapat panindigan upang malutas ang tunggalian.

“Sa dulo, ang importante wag nating bitiwan ang ating pagmamay-ari at soberenya at kapangyarihan sa mga isla at karagatang. Subalit naniniwala pa rin ako na ang paraan ay dayalogo at pakikipag-usap at hindi pa rin dapat humantong sa puntong magkakaputukan at sisiklab ang digmaan sa pagitan ng bansa natin at bansang China at ibang bansa,” pahayag pa ni Escudero.

Leave a comment