
Ni NOEL ABUEL
Muling umapela si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa China na itigil na ang mga agresibong aktibidad nito sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ni Romualdez ang pag-uulit pagkatapos ng mga ulat na kinuha ng China Coast Guard ang ilang mga pagkain at iba pang mga supply na ipinadala ng militar ng Pilipinas sa mga sundalo na nagbabantay sa BRP Sierra Madre, ang simbolo ng soberanya ng Pilipinas sa Ayungin Shoal sa WPS.
Sinabi ng pinuno ng 300-plus-strong House of Representatives na idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Singapore defense summit na hindi nito isusuko ang “kahit isang pulgada o milimetro” ng teritoryo ng Pilipinas.
Aniya, hindi gaganda ang relasyon ng Pilipinas at China hangga’t nagpapatuloy ang Beijing sa mga agresibong aktibidad sa West Philippine Sea.
“At sa nangyayari po, we bemoan, at talaga nalulungkot talaga tayo dito sa ginagawa ng ating kapitbahay, mga taga-China, at sana tigilan na nila itong mga aggressive behavior kasi hindi gaganda ang relasyon natin,” apela nito.
Sinabi pa ni Romualdez na hindi kailangang tukuyin ng mga naturang aktibidad ang relasyon ng Pilipinas at China dahil may iba pang aspeto ng naturang ugnayan na maaaring mapabuti.
“Sa totoo lang po, hindi dapat itong West Philippine Sea ang magde-define ng ating relasyon between the Philippines and China. Mas marami pang bahagi ng ating relasyon pero habang itong mga aggressive behavior ng China ay isinasagawa ng kanilang mga naval, or Coast Guard, or militia forces, or mga naval assets nila or sea assets, lalong nagiging tense at lumalala ang ating relasyon dito,” ayon pa dito.
“Pero syempre hindi tayo papayag na ganu’n-ganu’n lang ang trato. Kaya we will be very firm and all the respective authorities will be supporting the President’s policy,” dagdag pa nito.
