37 Chinese nationals naaresto sa Parañaque subdivision

Ni NERIO AGUAS

Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang 37 Chinese nationals na sangkot sa illegal retail sa Parañaque City.

Sa ulat kay BI Commissioner Norman Tansingco, sinabi ni BI intelligence division Chief Fortunato Manahan, Jr. na naaresto ang 37 Chinese nationals sa loob ng Multinational Village sa Parañaque noong hapon ng Hunyo 4.

Kabilang sa mga naaresto ang 7 babae at 30 lalaki na napag-alamang ilegal na sangkot sa pagtitinda ng pagkain, groceries, at restaurant sa lugar.

Sinabi ni Tansingco na ang pag-aresto ay nag-ugat sa mga intelligence report na natanggap ng kanyang tanggapan tungkol sa mga dayuhang iligal na nagtatrabaho sa loob ng subdibisyon.

“We received credible information about foreign nationals engaging in illegal retail activities, and our team acted swiftly to address these violations,” sabi ni Tansingco.

“This operation is part of our ongoing efforts to uphold the integrity of our immigration laws and protect local businesses from unfair competition,” dagdag pa nito.

Kasalukuyang nakakulong ang lahat ng 37 Chinese nationals sa BI jail facility sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon sa mga ito palabas ng bansa.

“The Bureau of Immigration will not tolerate illegal work practices and will continue to take necessary actions against those who violate our laws,” ayon pa sa BI chief.

Leave a comment