
Ni NOEL ABUEL
Naghain ng resolusyon si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada para parangalan ang mga miyembro ng Alas Pilipinas sa pagkamit ng makasaysayang bronze medal sa 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Women, ang unang pambansang koponan na umabot sa semifinals sa nasabing kompetisyon noong 63-taon.
“The entire nation celebrates their historic victory on the global stage, exemplifying the exceptional caliber, grit, and teamwork of Filipina athletes. As representatives of the Filipino people, it is appropriate and befitting that the Senate extends its commendation to the extraordinary Filipina volleyball players who brought immense pride, prestige, and honor to the country,” sabi ni Estrada sa inihain nitong Senate Resolution No. 1046.
Sa kabila ng mga limitasyon sa oras ng paghahanda at resources, sinabi ni Estrada na gumawa ang Alas Pilipinas ng hindi kapani-paniwalang tagumpay na manalo ng lima sa anim na laban nito sa nakapapagod na walong araw na kumpetisyon at naghatid ng kahanga-hangang tagumpay na hindi nagawa ng Pilipinas sa AVC competition.
Binanggit ng lider ng Senado na halos dalawang linggo lang ang head coach na si Jorge Edson Souza de Brito para tipunin at sanayin ang national squad para sa kompetisyon na ginanap sa Maynila mula Mayo 22 hanggang 29.
Ang Alas Pilipinas volleyball team ay binubuo nina team captain Julia Melissa Morado de Guzman, Cherry Ann Rondina, Jennifer Nierva, Dawn Nicole Macandili-Catindig, Ejiya Laure, Faith Janine Shirley Nisperos, Mereophe Sharma, Vanessa Gandler, Dell Palomata, Cherry Rose Nunag, Anne Angel Canino, Julia Cyrille Coronel, Thea Allison Gagate, at Arah Ellah Panique, na nakagawa ng isang mahusay na pagganap, na tinalo ang dating ikapitong puwesto noong nag-debut ang Pilipinas sa AVC Challenge Cup noong 2023.
Dalawang Pinay na manlalaro ang namumukod-tangi mula sa pinakamahuhusay na manlalaro sa buong Asya at tumanggap ng pagkilala sa prestihiyosong regional meet, si De Guzman ay tinanghal bilang Best Setter, habang si Canino ay pinangalanang Best Opposite Spiker.
“Their victory marks another highlight of Filipinas’ contribution to Philippine sports, following the recent successes of female athletes, like Olympic gold medalist Hidilyn Diaz, junior Grand Slam champion Alex Eala, and FIFA Women’s World Cup phenomenon Filipinas Women’s Football Team, to name a few, in the international stage,” saad ni Estrada.
Ang ikatlong edisyon ng AVC Challenge Cup for Women, na international volleyball competition sa Asia at Oceania, ay ginanap sa Rizal Memorial Coliseum at nilahukan ng mga manlalaro mula Australia, Chinese Taipei, Hong Kong, India, Indonesia, Iran, Kazakhstan, Singapore, Vietnam, at ng Pilipinas.
