Pag-ban sa POGO iginiit ng kongresista

Rep. Rufus Rodriguez

Ni NOEL ABUEL

Muling iginiit ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang kanyang panukala para sa Kongreso at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagbawal ang tinatawag na Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) sa bansa.

Ginawa ng kongresista ang apela sa gitna ng mga kontrobersiyang nakapaligid sa mga POGO sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga, na sinalakay ng mga awtoridad at natagpuan, bukod sa iba pang ilegal na aktibidad, na nagpapatrabaho sa daan-daang Chinese at Vietnamese nationals na biktima ng human smuggling syndicates.

Ang mga pagsalakay sa Bamban at Porac offshore gambling hubs ay patunay aniya na ang mga POGO ay naging mga front para sa mga ilegal na aktibidad tulad ng money laundering, illegal aliens at trabaho, prostitusyon, extortion, at kidnapping.

Aniya, karamihan sa mga negosyo ay pag-aari at pinamamahalaan ng mga Chinese na nagpapatrabaho ng sarili nilang kababayan at iba pang dayuhan na ipinuslit sa bansa ng mga sindikato na karamihan ay pinamumunuan din ng mga mamamayang Chinese.

“The negative, evil and harmful effects of POGOs on society far outweigh the revenue they bring in,” sabi ni Rodriguez.

Idinagdag nito na ang pagbabawal sa mga POGO ay hindi lamang magwawakas sa mga hindi kanais-nais na kahihinatnan kundi pati na rin ang mga aktibidad sa pangingikil at proteksyon ng mga tiwali at abusadong pulis at iba pang tagapagpatupad ng batas at mga tauhan ng gobyerno.

Matutugunan din aniya nito ang mga alalahanin ng ilang grupo na ang mga offshore gambling sites ay ginagamit ng mga Chinese para tiktikan ang ilang sensitibong ahensya ng gobyerno tulad ng Malacañang, Department of National Defense at militar.

Kasabay nito, pinuri ng mambabatas si Finance Secretary Ralph Recto sa pagsasabing hindi ito tumututol sa pagbabawal sa POGOs.

Nanawagan din ang mambabatas ng Mindanao sa Kamara na aprubahan ang kanyang Resolution No. 1197 at House Bill No. 5082, na inakda ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., na parehong nananawagan para sa pagbabawal sa mga POGO.

Leave a comment