Panibagong LPA binabantayan ng PAGASA

NI RHENZ SALONGA

Isang panibagong low pressure area ang binabantayan ngayon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngunit hindi naman inaasahang magiging bagyo.

Ayon sa PAGASA, ganap na alas-3:00 ngayong hapon nang ma-monitor ang nasabing LPA sa layong 135 km silangan ng Butuan City sa Agusan del Norte.

Base sa pagtataya ng weather bureau, inaasahang tuluyang malulusaw ang nasabing sama ng panahon sa araw ng Huwebes o Biyernes.

Dahil dito, asahan na makakaranas ng maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog ang Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Agusan del Norte dahil sa epekto na rin ng LPA.

Dito ay posible ang pagkakaroon ng flash floods o landslides dahil sa inaasahang malakas na pag-ulan.

Samantala, ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay magiging maulap ang papawirin na may inaasahang mahinang pag-ulan o pagkulog dahil sa epekto ng localized thunderstorms.

Leave a comment