Wanted na Chinese national arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Chinese national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Beijing dahil sa ilegal na pagsusugal.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nasabing dayuhan na si Wang Yilin, 37-anyos, na nadakip sa NAIA 3 Terminal noong nakalipas na Mayo 29 matapos dumating sa bansa sakay ng Thai Airways mula Bangkok.

Tinanggihan ang dayuhan na makapasok sa bansa at agad inaresto matapos makita ng BI officer na nagproseso sa kanya na ang kanyang pangalan ay lumabas na nasa hit sa red notice ng Interpol.

Sinabi ni Tansingco na ipinatapon si Wang sa Guangzhou pagkalipas ng dalawang araw sa kahilingan ng gobyerno ng China na nagpaalam sa BI tungkol sa kanyang katayuan bilang wanted na takas sa China.

Kasama sa kanyang paglipad ang limang Chinese police escort na nauna nang dumating sa Maynila para sunduin si Wang.

“We granted the request of the Chinese embassy that he be sent back to China and stand trial for his alleged crimes,” sabi ni Tansingco.

Ayon pa sa BI-Interpol, isang warrant of arrest ang kinakaharap ni Wang na inilabas ng Bengbu municipal public security bureau sa Anhui province, China na may petsang Setyembre 28 ng nakalipas na taon.

Inakusahan ng mga imbestigador na noong 2019 ay nakipagsabwatan si Wang sa isa pang suspek sa pagpapatakbo ng isang sindikato na nagpapatakbo ng gambling platform sa Internet kung saan nakibahagi ang mga customer sa mga laro sa online na pagsusugal tulad ng Baccarat na paglabag sa mga batas laban sa pagsusugal ng China.

Tinatanya ng mga awtoridad ng China na ang mga kinita ni Wang at ng kanyang mga kasabwat mula sa raket ay umabot sa higit sa 60 milyong yuan, o halos US$8.3 milyon.

Bilang resulta ng kanyang pagkakaaresto, si Wang ay inilagay sa immigration blacklist na tuluyang humadlang sa kanya na muling makapasok sa Pilipinas.

Leave a comment