Japanese national na miyembro ng ‘Luffy’ gang pinalayas ng BI

NI NERIO AGUAS

Ipinatapon ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na pinaghihinalaang miyembro ng kilalang “Luffy” gang na iniugnay sa maraming kaso ng pagnanakaw at pandaraya sa kanilang bansa.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na bantay-sarado ng Japanese police escorts ang 54-anyos na si Takayuki Kagoshima habang pasakay ng Japan Airlines papuntang Narita, Tokyo na umalis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong alas-10:00 ng umaga.

Ayon pa kay Tansingco, si Kagoshima ang ikapitong pinaghihinalaang miyembro ng “Luffy” gang na ipinatapon ng BI mula nang maiulat sa BI ang presensya nito sa bansa.

Una nang naipa-deport ng BI ang anim pang miyembro ng nasabing sindikato noong Pebrero at Marso alinsunod sa summary deportation order na inilabas laban sa kanila ng BI board of commissioners noong Oktubre ng nakaraang taon.

Si Kagoshima ay naaresto sa Pasay City noong nakalipas na Marso 4 ng mga operatiba ng BI fugitive search unit (FSU).

“There will be no letup in our campaign to hunt and deport all foreign fugitives who are hiding in the country. We cannot allow the Philippines to become a refuge for these wanted criminals,” sabi ni Tansingco.

Ayon kay BI deputy spokesperson Mabulac, si Kagoshima ay napapailalim sa isang outstanding arrest warrant na inisyu ng korte sa Fukuoka prefecture, Japan kung saan siya kinasuhan ng pagnanakaw.

Si Kagoshima ay may arrest warrant na inilabas ng korte sa Fukuoka prefecture, Japan kung saan kinasuhan ito ng theft.

Sa record ng BI, si Kagoshima ay nasa BI’s wanted list simula pa noong Oktubre 2023 at may summary deportation order na inilabas dito gayundin sa walong iba pang miyembro ng sindikato dahil sa pagiging undesirable aliens.

Sa BI travel records, si Kagoshima ay dumating sa bansa noong Nobyembre 7, 2022 at mula noon ay hindi na lumabas ng Pilipinas kung kaya’t awtomatikong overstaying na ito.

Base sa Japanese authorities, si Kagoshima ay miyembro ng tinatawag na “JP Dragon” syndicate na tumatangay ng cash cards mula sa mga biktima nito sa pamamagitan ng pagkukuwang pulis.

Leave a comment