Raid sa POGO hub sa Pampanga pinaiimbestigahan ni Sen. Lapid

Ni NOEL ABUEL

Pinaiimbestigahan ni Senador Lito Lapid sa Senado ang pagsalakay ng mga tauhan ng Presidential Anti-Crime Commission (PAOCC) sa POGO hub sa Porac, Pampanga.

Ayon kay Lapid, kailangang malaman ang katotohanan kung sino ang tunay na nasa likod ng operasyon ng nasabing POGO.

“Nararapat na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang malaman kung sino ang mga taong tunay na nag mamay-ari ng mga lupa at mga building na ginagamit sa POGO at ang kumpanyang nagpapatakbo dito nang sa ganu’n malaman ang buong katotohanan kung sino talaga ang nasa likod ng mga POGO,” ayon kay Lapid.

Umaapela rin ang senador sa mga mamamahayag na maging balanse at responsable sa kanilang ipinapahayag upang maiwasang madamay ang mga taong wala naman talagang kinalaman sa operasyon ng POGO sa Pampanga.

“Kami ay nananawagan sa ating mga kapatid sa media, at social media, na maging responsable at mapanuri, bago magpahayag ng mga walang basehang akusasyon, nang sa ganoon ay maiwasang mapagbintangan ang mga inosente at walang kasalanan,” pahayag pa ni Lapid

Kaugnay nito, pinuri at sinusuportahan ni Lapid ang pambihirang aksyon ng mga tauhan ng PAOCC at iba pang law enforcement at intelligence agencies ng pamahalaan.

“Ang kanilang ginawang pagsalakay sa mga POGO hub sa Tarlac at Pampanga ay hindi lang nagbunga ng sapat na mga ebidensya para sa paghahain ng kasong kriminal, kundi magiging daan din ito para sa pagtama ng mga kakulangan sa ilang batas para mapigilan ang anumang paglapastangan sa regulatory processes,” saad pa ni Lapid

Nakikiisa ito sa hangarin ng taumbayan na dapat protektahan ang pambansang interes at papanagutin ang mga taong sangkot sa illegal na POGO operation.

“Ang mga karumal-dumal na krimen na nadiskubre sa POGO raid sa Bamban, Tarlac at Pampanga ay hindi lamang nararapat na kondenahin kundi kailangan din ng mabilis na aksyon mula sa pamahalaan upang mapanagot ang mga nasa likuran ng mga gawaing kriminal, kaakibat din ang pagbalangkas ng mga bagong polisiya laban sa illegal na POGOs at iba pang kahalintulad na operasyon sa bansa,” paliwanag pa ni Lapid.

Leave a comment