Usapin sa sektor ng transportasyon at telcos inusisa ni Sen. Tulfo

Ni NOEL ABUEL

Nagpatawag si Senador Raffy Tulfo, bilang bagong chairperson ng Senate Committee on Public Services, ng kauna-unahang consultative meeting kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang talakayin ang mga isyu sa sektor ng transportasyon, telekomunikasyon at utilities and franchises.

Kabilang sa mga natalakay ang kasalukuyang implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng Department of Transportation (DOTr) kung saan kinuwestiyon ng senador ang planong pag-aangkat ng modern units ng jeepney mula pa sa China imbes na magpagawa sa mga local manufacturers sa mas mababang halaga.

Giit ni Tulfo, sa halip na itulak ang jeepney phaseout, iminungkahi nito sa DOTr na baguhin ang kanilang sistema para mabawasan ang congestion at iba pang problema sa kalsada.

Tinawag naman ni Tulfo ang atensiyon ng pamunuan ng MRT-3 dahil sa madalas na pagkasira ng mga tren, maging ng mga elevators at escalators sa mga istasyon nito.

Hinimok nito ang ahensya na palitan na ang kasulukuyang maintenance service provider ng MRT-3 na Sumitomo Corporation para maiwasan na ang kapalpakan na nagpapasakit sa mga commuters.

Samantala, pinaalalahanan ni Tulfo ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) na dapat ay wala nang lulubog na pampasaherong bangka.

Inobliga rin nito na ipatupad ang mahigpit na monitoring at sea worthiness inspections bago pumalaot ang mga ito.

Dito ay dapat magkaroon ng sapat na availability ng life vest at life boats para sa kanilang mga pasahero

Isiniwalat din ng senador ang mga nakita nitong problema sa mga VIP chartered planes kung saan maaaring magpuslit ang mga pasahero nito ng kontrabando papasok at palabas ng bansa.

Nangako ito na susuportahan nito ang dagdag ng budget sa (DoTr) upang magtayo ng processing centers sa mga paliparan para nasabing eroplano para maiwasan ito.

Sa huli, inatasan ni Tulfo ang bawat ahensyang dumalo na magsumite ng kani-kanilang mga accomplishment at assessment reports sa susunod na pagdinig upang mapag-aralan nito ang mga ito at makapagpasa ng nararapat na polisiya.

Leave a comment