
Ni NOEL ABUEL
Nagpahatid ng pakikidalamhati ang OFW party list sa dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na kabilang sa naging biktima ng sunog sa isang residential building sa Kuwait.
Tatlo pang OFWs ang kumpirmadong kasama sa mga nasawi na kabilang sa 50 namatay sa sunog
Ayon kay OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, nalulungkot ito sa dalawang biktima na nasa kritikal na kondisyon, at isa pang nagkaroon ng injury mula sa sunog sa isang heavily populated residential building sa Mangaf, Kuwait.
Nadamay rn ang 11 OFWs na nawalan ng tirahan sa nangyaring insidente.
“Ang kalinga ng ating pamahalaan ay dapat agarang madama ng ating mga OFWs sa ganitong mga pangyayari, kaya’t tayo’y umaasa sa mabilisang aksyon at tulong mula sa ating embahada sa Kuwait, Department of Migrant Workers (DMW), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), lalo na sa pagbibigay ng agarang medikal na tulong sa dalawang kababayan natin na nasa kritikal na kondisyon, at sa pansamantalang matitirahan ng mga kababayang biktima ng naging sunog,” sabi ni Magsino.
Aniya, handa ring tumulong ang OFW party list sa mga biktima.
“Ang OFW party list ay bukas din sa anumang tulong na kakailanganin ng ating mga naapektuhang OFWs at kanilang mga kapamilya. Ating balutin ng dasal ang mga naging biktima ng pangyayari at ipanalangin ang patuloy na kaligtasan ng mga kababayang nagtatrabaho sa ibayong dagat,” ayon pa sa kongresista.
Sa pinakahuling ulat, nasa 50 indibiduwal ang nasawi sa nasabing sunog habang marami pa ang sugatan.
