Pagdinig sa NCR minimum wage adjustment itinakda ngayong Hunyo 20

Ni NERIO AGUAS

Itinakda na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board–National Capital Region (RTWPB-NCR) ang pampublikong pagdinig sa pagsasaayos ng minimum na sahod sa Hunyo 20, 2024.

Gaganapin ang pagdinig sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City ganap na alas-9:00 ng umaga.

Nabatid na natanggap na ng ang petisyon na minimum wage increase ng Unity for Wage Increase Now (UWIN) noong May 24, 2024 na humihiling na gawing P597 ang dagdag na arawang minimum wage para sa mga manggagawa sa pribadong establisimiyento sa NCR.

Sa kasalukuyan, ang daily minimum wage NCR ay P610.00 para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector at P573.00 naman sa agriculture sector, service/retail establishments na may 15 empleyado at sa manufacturing establishments na may regular na empleyado na mababa sa 10.

Hinihikayat ang mga employers, manggagawa, employer associations, and labor organizations na lumahok sa pampublikong pagdinig.

Maaari ang mga itong magsumite ng position paper sa RTWPB-NCR sa 2nd Floor, DY International Building, San Marcelino cor. General Malvar Sts., Malate Manila o sa pamamagitan ng e-mail sa wage_ncr@yahoo.com.ph sa o bago ang Hunyo 18, 2024.

Inilathala ng RTWPB-NCR ang notice of public hearing sa minimum wage adjustment sa mga pahayagan sa general circulation sa Hunyo 4, 2024.

Ito ay alinsunod sa Republic Act No. 6727 (Wage Rationalization Act) na nagtatakda na ang lahat ng RTWPB ay dapat magbigay ng abiso sa mga grupo ng empleyado at employer, mga opisyal ng probinsiya, lungsod, at munisipyo, at iba pang interesadong partido kapag nagsasagawa ng mga pampublikong pagdinig o konsultasyon.

Leave a comment